Quiboloy, ginamit pa si Lord makasipsip lang kay Mayor Sara

PATI DIYOS, GINAGAMIT NI QUIBOLOY SA KANDIDATURA NG “MANOK” NIYA SA 2022 PRESIDENTIAL ELECTIONS — Ininterbyu ni Pastor Apollo Quiboloy sa kanyang TV program si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio tungkol sa plano nito sa 2022 Presidential Elections, na tinugon naman ng Presidential Daughter na ipinauubaya na raw niya sa Diyos ang magiging pasya niya.
Nang matapos ang interview, ang sabi ni Quiboloy ay si Mayor Sara na raw ang pinili ng Diyos na maging next president ng bansa.
Pambihira, pati Diyos, ginagamit ni Quiboloy para sa kandidatura ng “manok” niya sa 2022 Presidential Elections, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
BANAT NI P-DUTERTE KAY CORY, TOTOO! — Ilang araw matapos ang death anniversary ni ex-Pres. Cory Aquino, binatikos ito ni P-Duterte dahil nagpairal daw ito ng land reform o pamamahagi ng lupa ng mga asendero sa mga magsasaka, pero hindi raw isinama sa ipinamahagi ang Hacienda Luisita ng Pamilya Cojuangco.
Sa banat ni P-Duterte, huwag sanang magalit ang “dilawan” kasi totoo na noong panahon ng administrasyon ni ex-P-Cory, naging exempted ang Hacienda Luisita sa land reform program, period!
◘◘◘
MINSAN, OA NA ANG “POLITICAL WILL” NI MAYOR ISKO — Maraming magagandang ginagawa ngayon sa Maynila si Mayor Isko Moreno kaya lang ay may mga pagkakataong OA (overacting) na ang ipinakikita nitong “political will” tulad ng pagsibak niya sa precinct commander ng Plaza Lawton PCP dahil lang nakatapak siya ng ebak sa Bonifacio Shrine at pagsibak sa precinct commander ng Plaza Miranda PCP dahil may mga basura raw sa nasasakupan nitong lugar sa Carriedo.
Dapat itanim ni Mayor Isko sa kanyang isipan na ang mga pulis ay pang-anti-criminality at hindi sila mga janitor para maglinis ng mga ebak at basura sa Maynila, period!
◘◘◘
CHR, TIYAK NA MAGNGANGANGAWA KASI PATI ANG MGA BUMBERO, INUTUSAN NA RIN NI P-DUTERTE NA PUMATAY NG TAO — Sabi ni P-Duterte, paiisyuhan na rin niya ng baril ang mga bumbero para raw hindi lang sunog ang pinapatay ng mga ito kundi pati ang mga tao.
Dahil sa statement ni P-Duterte, asahan nang magngangangawa na naman ang Commission on Human Rights (CHR) kasi pati ang mga bumbero, inuutusan nang pumatay ng tao, boom!





Comments