PINOY KINGAD AT NGUYEN NAGMALUPIT AT DUMEPENSA

BASAGAN ng mukha at barugbugan ng buto ang naganap sa isang gabing puno ng bakbakan sa ONE Championship: Dawn of Heroes nitong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Napanatili ni ONE Featherweight king Martin “The Situ-Asian” Nguyen (13-3) ang kanyang titulo sa main event habang nanaig ang UFC veterans na sina Eddie “The Underground King” Alvarez at Demetrious “The Mighty Mouse” Johnson sa kani-kanilang mga grand prix tournaments. Pinatumba ng Vietnamese-Australian na si Nguyen ang Japanese fighter na si Koyomi Matsushima (11-4) sa bisa ng isang 2nd round TKO upang mapanatili ang 145 pound title.
Naagaw ni Rodtang Jitmuangnon ng Thailand ang titulo ng ONE Flyweight Muay Thai championship kay Jonathan Haggerty ng United Kingdom via unanimous decision. Tanging si Filipino Flyweight Danny “The King” Kingad lang ang pinalad na magwagi sa hanay ng Team lakay nang kunin niya ang ‘split decision’ win laban kay Reece “Lightning” McLaren para harapin si Johnson sa ONE Flyweight World Grand Prix Finals sa Oktubre, matapos talunin ni Johnson si Tatsumitsu “The Sweeper” Wada ng Japan sa UD.
Bigong makausad si dating ONE Lightweight champion Eddie “The Landslide” Folayang (21-8) sa Lightweight World Grand Prix Semis matapos sumuko kay Alvarez (30-7) sa bisa ng rear naked choke sa 2:16 ng 1st round pa lang. Napabagsak pa ni Folayang si Alvarez sa sunud-sunod na strikes kabilang ang isang leg kick. Ngunit, sa kasagsagan ng pag-upak ni Folayang ay na-sweep siya ni Alvarez at nahuli niya ito ng choke. Lugmok din ang kinasadlakan nina Geje Eustaquio, Honorio Banario at Edward Kelly ng Team Lakay. Bumagsak sa 1:59 ng 1st round si dating ONE Flyweight titlist Eustaquio (12-8) laban kay Yuya Wakamatsu ng Japan habang natalo si featherweight champ Banario kay Dae Song Park ng South Korea sa UD habang talo rin si Kelly nang ipahinto ang laban sa 2:50 ng 2nd round laban kay Xie Bin ng China.
Nagwagi rin sa kani-kanilang laban sina Daichi Takenaka nang pabagsakin si Leandro Issa sa 1:39 minuto ng round 3 bantamweight bout, habang si James Nakashima ay tinalo si Yushin Okami para sa UD sa welterweight, habang sa MMA catchweight bout (57.0kg), naungusan ni Miao Li Tao si Pongsiri Mitsatit sa UD.
Sa Women’s Strawweight bout, pinatapik ni Ayaka Miura si Samara Santos sa bisa ng Americana Submission ng 0:39 ng round 2 habang nanalo rin si Muhammad Aiman kay Sunoto Peringkat sa UD sa bantamweight bout.





Comments