Pulis hinoldap, ginulpi ng ‘jumper boys’

KALABOSO ang magkapatid matapos bugbugin at pagnakawan ang isang pulis sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, ang mga nadakip na suspek na sina Wilfredo, 41, at Felizardo Nidoy, 38, kapwa ng Valenzuela City at umano’y miyembro ng Jumper Boys, kilalang nangunguha ng mga gamit sa cargo ng mga trak.
Alas-9:00 ng gabi, pauwi na ang biktimang si P/Cpl. Jonathan Arenas, 34, ng Camarin, nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group, Camp Crame, Quezon City nang paluin ng isa sa mga suspek ang hood ng kanyang sasakyan sa Bgy. 166, Kaybiga.
Bumaba si Cpl. Arenas at kinompronta ang isa sa mga suspek subalit, dalawang beses itong hinataw sa ulo ng matigas na bagay ng kapatid nito dahilan upang bumagsak ang biktima.
Naaktuhan naman ang kaguluhan nina P/Cpl. Ramon Rivera at Pat. Joshua Ramacula ng PCP-6 na nagsasagawa ng police visibility na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Ayon sa ina ng biktima na si Kagawad Claudia Arenas, 57, nawawala ang cellphone at wallet ng kanyang anak na maaari umanong tinangay ng kasama ng mga suspek.





Comments