top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

NO. 1 TUMBUKEROS NG 'PINAS: BIADO, CHUA AT PAGULAYAN

Eddie M. Paez Jr.
Aug 2, 2019
1 min read

KABILANG sina Carlo Biado, Johann Chua at Alex Pagulayan sa listahan ng 20 pinakamalupit na manunumbok sa buong mundo base sa listahang ipinalabas ng World Pool-Billiard Association (WPA). Samantala, sina Dennis Orcullo, Biado at Lee Van Corteza naman ang namumuno sa mga kinatawan ng lahing kayumanggi na nasa top 20 ng Fargo Rating.

Sa WPA ranking kung saan kumokolekta ng puntos ang cue artists sa mga piling paligsahan, nasa 6th place si Biado dahil sa kabuuang produksyong 21,812 puntos. Malaking tulong ang 3,000 puntos na nakolekta matapos sumegunda noong 2019 WPA Players Championship sa Las Vegas at ang 8,250 puntos na dumating dahil sa pagiging runner-up ng 2018 World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar.

Si Chua ay nasa pang-17 baytang nang makapagpakita ng 14,300 puntos habang ang 13,762 puntos ng tubong Isabela na si Pagulayan, na nakabase na sa Canada, ay sapat na para sa pang-20 posisyon. Matinding ayuda kay Chua ang pagpasok niya sa semis ng WPA Players Championship (2,500 puntos) habang ang humatak kay Pagulayan ay ang pagiging quarterfinalist niya sa katatapos na World 10-Ball Championship (4,000 puntos).

Ang Alemang si Joshua Filler, siya ring World 9-Ball king at World 10-Ball bridesmaid, na nasa unahan ng pulutong. Sa Fargo Rating kung saan humuhugot ng puntos ang mga manlalaro base sa lakas ng kanilang nakakalaban, pang-anim si Orcullo sa kartadang 815 puntos; pang-8 si Biado matapos makalikom ng 811 puntos at pang-9 si Corteza sa dala nitong 808 puntos. Kasama rin sina Pagulayan (15th, 806 puntos) at Zoren James Aranas (18th, 804 puntos) sa listahang tinatrangkuhan ng Intsik na si Jiaqing Wu (827 puntos).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page