BRIGADIERS, NAKATARGET NG ISA; SINO MALAKAS, SBU O BLAZERS?

NABURA na rin ng Emilio Aguinaldo College ang pagkabokya sa standings sa NCAA 95 Juniors Basketball Tournament nang gitlain ang Jose Rizal University High School, 75-69 at nakapagtala na ng isang panalo kahapon sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre sa home gym ng JRU sa Shaw Boulevard, Mandaluyong.
Sumandal ang Brigadiers sa kabuuang lakas ng koponan at sa wakas ay nagawang makapanalo ng team matapos ang anim na laro. Nagawang humabol sa 10-2 deficit ng tropa sa loob lamang ng 2 minuto na nalalabi at nagwagi pa sa 6 puntos na kalamangan. “Chinallenge ko talaga sila how to end the game and have that winning moment sa ganitong crowd,” saad ng natutuwang head coach na si Azli Guro sa unang post-win interview.
Samantala, magtutuos ngayong araw ang nalalabing dalawang walang-talong koponan na defending champion San Beda University at College of Saint Benilde simula alas-12:00 ng tanghali. Parehong may malinis na 4-0 panalo-talo ang dalawang higante at tiyak na gagawin nila ang lahat para masungkit ang ika-limang sunod na panalo at umupo mag-isa sa tuktok ng liga.
Kilala na ang kalidad ng Red Lions na naipanalo ang 11 sa 13 korona ng NCAA Seniors buhat pa noong 2006. Aasahan muli ni Coach Boyet Fernandez ang husay na pinapakita nina James Canlas Kwekuteye, Evan Nelle, Calvin Oftana at Donald Tankoua ngunit kahit sinong bunutin sa malalim na koponan ay puwedeng mag-ambag tungo sa panalo.
Samantala, papasok ang Blazers ni Coach Tyrone Tang na wala ang isa sa kanilang pambato na si Justin Gutang dahil sa pilay kaya dapat umangat lalo ang laro nina Jimboy Pasturan, Clement Leutcheu at ang nagbabalik na si Yankie Haruna. Natikman ng Saint Benilde ang nag-iisa nilang kampeonato noon pang 2000, ang kanilang ikatlong taon sa liga tampok ang mga naging PBA player na sina Sunday Salvacion, Jondan Salvador at Mark Magsumbol.





Comments