top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Binatilyo sinita sa clearing operation, tiyuhin rumesbak | TSERMAN PINAGBABARIL

Janice Baricuatro
Aug 2, 2019
1 min read

DALAWANG tama ng bala sa leeg at katawan ang tumapos sa buhay ng barangay chairman mula sa tiyuhin ng binatilyong nasita nito sa Oplan Linis Barangay, kamakalawa sa Solar Homes Subd., Bgy San Agustin 1, Dasmariñas City, Cavite.

Kinilala ni Police Supt. Nerwin Ricohermoso ang biktima na si Edwin Cuevas Robles, 54, kapitan ng Bgy. San Agustin 1.

Sumuko naman matapos ang dalawang araw na pagtatago si Renante Butron, nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar.

Alas-10:00 ng umaga kamakalawa nang magsagawa ng clearing operation ang kapitan kasama ang ilang mga barangay tanod at volunteer at nag-aayos ng mga basura.

Naglagay umano sila ng mga harang upang pansamantalang hindi madaanan ang lugar kung saan may tambak ng mga basura subalit, dumaan umano ang pamangkin ng suspek na si alyas Bugoy, menor-de-edad.

Nagalit umano ang kapitan at sinita nito ang binatilyo, subalit, sumagot umano ito nang pabalang at nagbitaw ng masamang salita na ikinagalit ng tserman dahilan upang uminit ang ulo at nabigwasan ang binatilyo.

Tumakbo pauwi si ‘Bugoy’ at nagsumbong sa kanyang tiyuhin.

Bitbit ang maiksing baril, pinuntahan nito ang kapitan saka pinagbabaril bago tumakas.

Agad namang dinala sa pagamutan ang biktima na kasalukuyang ginagamot.

Matapos ang dalawang araw na pagtatago, sumuko sa pulisya ang suspek kasama ang abogado nito.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page