RAIN OR SHINE, NAKARESBAK NILASHENG ANG BEERMEN


NAKAHIRIT ng Game 4 ang Rain or Shine Elasto Painters matapos lasingin ang San Miguel Beer 112-104 sa PBA Commissioner’s Cup semifinals kagabi sa Araneta Coliseum.
Kumayod si import Carl Montgomery ng 25 points upang makaisa ang Elasto Painters sa kanilang best of five series at magkaroon pa ng tsansa sa asam na korona. Ganadong maglaro ang Elasto Painters sa first canto, nakalamang sila ng 14 na puntos, 30-16. Pero hindi pumayag ang Beermen na lumayo ang Rain or Shine, naitabla nila sa 54-all sa halftime. Bahagyang nakalamang muli ang Rain or Shine sa third canto, 86-80 papasok ng fourth. Naging matatag ang E-Painters sa payoff period kaya nakuha nila ang importanteng panalo.
Samantala, nasa kukote ng Barangay Ginebra Gin Kings na pahabain ang kanilang hininga pagharap nila sa top seed TNT KaTropa sa Game 4 ng kanilang best-of-five semifinals series. Nakaiwas ang Gin Kings sa planong pagwawalis sa kanilang ng KaTropa matapos nila lagukin ang 80-72 panalo sa Game 3 noong Martes ng gabi. “We’re not gonna look at our history, we’re not gonna look at our future. We’re just gonna focus on one game and that’s it, see what we can do,” saad ni Gin Kings head coach Tim Cone. “Back to the drawing board tomorrow, see what we could come up with and see what we can throw at them on Game 4.”
Abante ang KaTropa, 2-1, magsisimula ang banatan sa alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum. Muling sasandalan ng crowd favorite si reigning Best Import Justin Brownlee upang makahirit sila ng deciding Game 5. Kahit galing sa panalo, mananatiling nasa Ginebra ang pressure ayon kay Cone. “We’re still alive, still kicking and still looking forward. That’s the great news,” wika ni Cone. Bukod kay Brownlee, huhugot ng puwersa si Cone kina locals, LA Tenorio, Stanley Pringle at Japeth Aguilar. Ibabangga ng TNT ang kanilang reinforcement na si Terrence Jones. (ATD)
Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum) 7:00 p.m - TNT KaTropa vs Bgy. Ginebra





Comments