QUIZON, HANDA NA BA SA SULUNGANG SEAG?
- Eddie M. Paez Jr.
- Aug 1, 2019
- 1 min read

PATULOY na tinatrangkuhan ng isang binatilyong chesser ang kanyang mga batikang karibal sa pagpasok sa homestretch ng Southeast Asian Games Qualifying Tournament Men’s Finals sa Makati City.
Ginawang tuntungan ng 15-anyos na si Daniel Quizon ang naipon na 40.5 puntos mula 72 salang sa board para pangunahan ang tatlong Grandmasters, tatlong iba pang kapwa niya International Masters at dalawang FIDE Masters na nakapasok sa huling yugto ng salaan para malaman kung sino ang magkakaroon ng karapatan na kumatawan sa Pilipinas sa larangan ng ahedres sa nalalapit na regional games.
Dalawang puntos sa likod ni Quizon, may 2140 na rating bago nagsimula ang paligsahan pero ngayon ay may performance rating na 2453, ay si IM Jan Emmanuel Garcia, 24-anyos, para sa pangalawang puwesto habang ang 21-taong-gulang na si IM Paulo Bersamina ay may naipong 36.5 puntos para sa pag-upo nito sa pangatlong baitang.
Kasosyo ni Bersamina sa pangatlo si GM Darwin Laylo.
Sina GM John Paul Gomez (31.0 puntos) at GM Rogelio Antonio, Jr. (30.5 puntos) ay nakabuntot sa apat na woodpushers sa tunggaliang inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at National Chess Federation of the Philippines (NCFP).
Samantala, sa kababaihan, namayagpag si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna matapos kumulekta ng anim na panalo, dalawang tabla at dalawang talo para sa kabuuang 7 puntos.
Isang buong puntos ang naging agwat niya kina Woman FIDE Master Cherry Ann Mejia at WFM Allaney Jia Doroy na naghati sa pangalawa at pangatlong posisyon pagkatapos ng 10 rounds ng bakbakan.





Comments