Lotto, balik-operasyon, imbestigasyon sa PCSO, tuloy!


''ITIGIL ang lotto at iba pang PCSO games!”
“Balik na ang lotto.”
“Walang tulong na ibibigay sa mga apektado ng tigil-operasyon ng PCSO!”
“Kompensasyon sa mga nawalan ng trabaho dahil sa ilang araw na pagsasara ng PCSO gaming operations, pinag-aaralan na.”
Ganito kabilis ang mga pangyayari sa kontrobersiyal na pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lotto, STL, Keno, Peryahan ng Bayan at iba pang gaming schemes sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Bagama’t, lotto pa lang ang pinahihintulutan, masaya na rin umano ang mga may-ari ng outlets at kanilang mga empleyado.
Ang hinihintay naman ay kung mabibigyan ng kompensasyon sa ilang araw na sila ay natambay.
Nauna rito, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na naghahanap na ng paraan para makabawi sa mga empleyado ng PCSO.
Matatandaang, July 27 nang ipasara ni Pangulong Duterte ang nasabing gaming operations at kamakalawa nang gabi, July 30, binawi na ang suspension order sa lotto habang suspendido pa rin ang ibang laro.
Samantala, ang pagbabalik-operasyon ay hindi nangangahulugan na parang wala lang nangyari.
Dapat tiyakin ng gobyerno na tuloy at tututukan ang imbestigasyon sa PCSO, kung totoong may nagaganap na ‘magic’ sa ahensiya, kung sino o sinu-sino ang mga dapat managot at kung paano mababawi ang pondong dapat sa gobyerno na tulong sana sa taumbayan.





Comments