KAMANDAG NG SCORPIONS, TATALAB BA SA ASIA’S LASHES?


SISIMULAN na ng tournament favorite at first conference runner-up Centro Escolar University ang kampanya ngayong hapon sa 2019 PBA D-League Foundation Cup sa pagsagupa nila sa Asia’s Lashes Tomas Morato sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magmumula ang Scorpions sa tila roller-coaster na kampanya sa nakaraang Aspirants’ Cup kung saan nabawasan ang roster at naging 8 na lang ang players dahil sa alegasyon ng game-fixing ngunit, nakatawid at umabot pa rin ng Finals bago natalo sa nagkampeong Cignal-Ateneo.
Nakabangon mula roon ang Scorpions at ngayo’y handa na muling lumaban at iparada ang kumpleto na uli nilang line-up na pamumunuan muli nina Senegalese big man Malick Diouf at Rich Guinitaran.
“We are ready to put the past conference behind and start anew this Foundation Cup,” pahayag ni CEU coach Derrick Pumaren.
Pero, sa huling laro ngayong 5:30 p.m. haharapin ng CEU ang hamon ng baguhang Asia’s Lashes na target ang solong pamumuno sa Group A kasunod ng 106-105 na pag-ungos sa AMA Online Education sa unang laro noong Huwebes.
“Sana matuluy-tuloy namin ‘yung panalo namin,” wika ni coach Alvin Grey na dating deputy coach nina Pido Jarencio at Jerry Codiñera sa collegiate leagues. Inaasahang sasandalan ulit ni Grey upang muling manguna sa Asia’s Lashes sina James Martinez, Adrian Celada, at Levi Dela Cruz.
Samantala, sa iba pang laro, sasalang na si dating PBA champion Jonas Villanueva sa unang laro bilang head coach para sa baguhang iWalk na haharapin ang AMA Online Education sa ganap na alas-1:30 p.m.
Hangad ng BRT Sumisip Basilan-St. Clare na sumalo sa liderato ng Group B sa TIP Engineers sa pagsagupa sa Hyperwash sa 2nd game ng 3:30 p.m. (VA)





Comments