GENERALS AT BOMBERS, GIYERA SA NCAA ON TOUR
- A. Servinio
- Aug 1, 2019
- 1 min read

MAGPAPATULOY ang mainit na aksiyon sa “NCAA On Tour” ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ngayong araw sa pagbisita ng Emilio Aguinaldo College sa Jose Rizal University.
Nakatakda ng 4 p.m. ang laro at gagawin ng dalawang paaralan ang lahat para maiangat ang kanilang mga kartada.
Kasalukuyang may 2-3 panalo-talo ang Heavy Bombers at hindi sila papayag na mapahiya sa sarili nilang tahanan.
Kagagaling lang nila sa 77-95 na pagkatalo sa Lyceum noong Hulyo 26. Hindi nalalayo ang kartada ng Generals sa 1-4.
Nasa gitna sila ngayon ng tatlong sunud-sunod na pagkabigo sa kamay ng defending champion San Beda University (72-89), Colegio de San Juan de Letran (89-91) at season host Arellano University (77-86).
Samantala, napanatili ng College of Saint Benilde Blazers ang malinis na kartada nang pabagsakin nila ang San Sebastian College, 77-72, noong Martes ng gabi.
Ito na ang ika-apat na sunod na tagumpay ng Blazers at magtatapat sila ng kapwa walang talo na San Beda sa Biyernes.
Nagising ang Saint Benilde sa huling quarter at inagaw ang kalamangan, salamat sa tres ni Jimboy Pasturan, 73-72, at may natitira pang 1:23 sa orasan.
Hindi na nakapuntos ang Stags at ipinasok ni Unique Naboa ang apat na free throws sa huling 15 segundo para siguraduhin ang panalo.
Nagtapos si Naboa na may 15 puntos. Sinundan siya ni Chris Flores na may 14 puntos.





Comments