Buwis sa Maynila, bababaan
- Isko Moreno
- Aug 1, 2019
- 1 min read

KASALUKUYANG binabalangkas ngayon sa Konseho ng Maynila ang pagpapababa ng buwis sa lungsod. Walang sapat na basehan para itaas ito at bagkus ay kailangan pa itong babaan upang mahikayat natin ang mga investors at negosyante na muling pumasok sa Maynila.
Ito ang mga hinaing sa atin ng mga negosyanteng namumuhunan sa lungsod. Hindi magandang tila abusado ang siyudad sa paniningil ng buwis tapos wala namang maipakitang serbisyo o proyekto sa mamamayan.
Gayunman, hinikayat natin ang mga negosyante at investor na muling pumasok sa Maynila. Welcome na welcome kayo at mayroong stimulus package at incentive na naghihintay para sa inyo.
Pati ang real property tax ay gagawin nating mababa kung saan 20% sa unang taon ng ating termino, sampung porsiyento naman (10%) sa pangalawang taon at dagdag pang 10% ulit sa huling taon ng ating termino.
*** Samantala, tayo ay muling nakikiusap at nakikisuyo sa ating mga truck operator na kung puwede, sila na ang magdisiplina sa kanilang mga driver lalo na ‘yung mga papunta sa port area.
Lalong lumalala ang trapik dahil sa walang habas na pagpaparada kung saan nila gustong pumarada at kawalan ng disiplina sa pagsunod sa batas-trapiko.
Tayo ay buong kababaang-loob na nakikiusap. Once and for all, kausapin ninyong maigi ang mga driver ninyo.
Let’s try a new formula of goodwill. I am showing you the willingness of the city to address your situation. Nasa inyo na ‘yan, kumbaga, give and take lang!





Comments