Pinagmumulan ng eczema sa mga sanggol, alamin!
- BULGAR

- Jul 31, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, May problema sa balat, partikular sa braso at mga kamay ang aking 2 years old na anak. Bagama’t, pinutulan namin siya ng kuko, nagsusugat na ang kanyang braso sapagkat hindi niya ito mapigilang kamutin, nakakaawa dahil palagi siyang naiirita at hindi makatulog. Ang sabi ng kapatid ko ay baka eczema raw ito, pero hindi pa kami makapunta sa dermatologist dahil kulang pa ang aming budget. Ano ba ang hitsura at sintomas na makikita kapag may eczema at saan ito nakukuha? — Evelyn
Sagot Ang pangunahing sintomas ng eczema ay tuyo at makating balat. Mabilis itong magsugat at mapula ang paligid ng bukul-bukol na rashes. Makikita ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan, depende sa edad. Sa mga sanggol at batang hanggang edad 2, ito ay karaniwang nasa anit, ulo at mukha lalo na sa pisngi. Nagkakaroon din nito sa mga tuhod, siko at braso.
Sa mga mas batang edad 3 pataas, makikita ito sa leeg, singit, mga binti at sakong. Habang sa mga mas matatanda, ang rashes ay kadalasang nasa leeg, mga siko, tuhod at binti.
Mayroong tatlong uri ng eczema — atopic, infantile seborrhoeic at allergic contact dermatitis.
Ang atopic ay sanhi ng allergies sa pagkain o iba pang mga bagay sa kapaligiran at ito rin ay namamana. Ito ay tuyung-tuyo, sobrang kati at mapula na kapag kinamot ay tuluyan nang bubuka at magsusugat.
Sa mga sanggol, karaniwan itong nagsisimula sa nappy area o sa pisngi ng puwit at dahan-dahan itong kumakalat sa buong katawan.
Ang infantile seborrhoeic naman ay makikitaan ng magaspang at maaligasgas na balat, pero hindi gaanong makati. Naaalis ito sa pamamagitan ng paglalagay ng baby oil o olive oil at pagsuklay ng ulo at buhok ng sanggol pagkatapos ay huhugasan ito ng shampoo o sabon.
Ang allergic contact dermatitis ay sanhi ng pagkairita sa mga lotion, sabong panligo o panlaba at pagkain. Kapag ang bata ay hindi nae-expose sa mga dumi at impeksiyon, mas malaki ang pagkakataong maging prone sila sa allergy, dahil mahina ang immune system nila at walang nilalabanan.
Gayunman, ang dalawang karaniwang sanhi nito ay ang pag-inom ng gatas ng baka (lalo kapag powdered) at biglang pag-iba ng temperatura (biglang init o lamig) kaya naman ang mga batang laki sa gatas ng ina ay may mas matibay na immune system kaya malakas ang panlaban nila sa mga allergy at eczema. Hangga’t maaari, iwasan itong kamutin, tama lamang na putulan siya ng kuko upang maiwasang magsugat ang kanyang balat.
Ang eczema ay hindi hanggang balat lamang bagama’t nakikita ito sa balat, maaaring maging sanhi ito ng mas malalang problema sa loob ng katawan. Sa pag-aaral noong 2015 sa Annals of Nutrition and Metabolism, nalaman ng mga mananaliksik na ang mga taong may atopic dermatitis ay may posibilidad na magkaroon ng hika at higit na sensitibo sa allergies sa pagkain kaya mahalagang magbasa ng labels at ingredients bago ito kainin o gamitin.
Iwasan ang basta na lang paggamit ng sabon o cream, lalo na kung may namamaga o nagsusugat na rashes. Kailangang madala agad sa dermatologist ang pasyente upang mabigyan ng karampatang pangangalaga at kaukulang gamot sa balat.





Comments