MGA PA-‘VIP’ SA KALSADA, BIGLANG-BALIK!

NAPAPANSIN nating may mga nagsusulputan na namang mga sasakyang may “wang-wang” na, may escort pa! Sa pagkakaalam natin, tanging ang pangulo, VP, Senate President, Speaker of the House at Supreme Court Chief Justice lang ang mga maaaring mabigyan ng escort at gumamit ng “wang-wang” ng Philippine National Police (PNP) sa kalsada.
Sino kaya ang mga taong ito na tila wala naman sa mga nabanggit dahil regular lang ang plaka na gamit ng kanilang sasakyan? Isama na rin ang mga naka-Rolls Royce na may kasamang escort na pulis na naghahawi sa daan. Hanggang ngayon, hindi pa kilala kung sino ang “VIP” na ‘yan at bakit kailangang magkaroon ng “hawi-boys” na pulis?
Matatandaang, nawala na ang mga “wang-wang” na ‘yan noong nakaraang administrasyon dahil ipinagbawal sapagkat naging simbolo ng pang-aabuso noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngayon, tila bumalik na naman, bakit hindi? Karamihan ng mga kaalyado ng kasalukuyang administrasyon, mga kaalyado rin ni ex-P-GMA. Tila nakalimutan na ng PNP na bawal ang mga sirena at pailaw sa mga sasakyang hindi naman awtorisado at mas lalo pa ang mga magpa-escort ng mga pulis.
◘◘◘
Malaki ang danyos na idinulot ng dalawang malakas na lindol sa Batanes, kamakalawa. Ayon sa ulat, siyam na ang naitalang namatay at mahigit 60 ang sugatan na karamihan ay dahil gumuho ang kanilang mga bahay na gawa sa limestone.
Mabuti na lang at hindi naapektuhan ang paliparan ng Basco at Itbayat. Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, matibay ang mga bahay na yari sa limestone sa malalakas na hangin. Karaniwan ang mga bagyo at malalakas na hangin sa isla ng Batanes, pero mahina raw ang mga ito sa lindol.
Kaya dapat ang mga bahay sa Batanes ay gawa rin sa karaniwang materyales at dapat din silang sumunod sa building code ng bansa, pero matagal na ang karamihan ng mga tahanang gumuho sa kambal na lindol, ‘yung iba ay panahon pa raw ng Kastila kaya popular sa mga turista.
Kaugnay nito, hinihikayat natin ang lahat na magbigay-tulong sa ating mga kababayan sa Batanes, sa anumang paraan. Sa pagkakataon ito, kailangan natin ng bayanihan.





Comments