Hamon kay P-Digong, lahat ng illegal gambling ipatigil!


“LOTTO stop, jueteng next!” Ito ang hamon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ng kanyang utos na itigil ang lahat ng gaming schemes sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), posible umanong lumaganap ang illegal number games tulad ng jueteng.
Ito ang inamin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Kaya kung seryoso umano sa war on illegal gambling ang pangulo, isunod na rin ang iba pang pasugalan.
Samantala, sa iniimbestigahang katiwalian sa loob ng PCSO, dapat lang na sibakin at kasuhan ang mga kurakot. Sila ‘yung mga sa halip na pinatatakbo nang maayos ang ahensiya para mas marami pa ang natutulungang mahihirap, sila pala itong tumatabo ng pera.
Ang panawagan sa pangulo, kung matatagalan ang gagawing imbestigasyon sa isyu ng korupsiyon, sana, mabigyan ng tulong ang mga apektado.
Bagama’t, nauna nang tiniyak na tuloy ang medical program ng PCSO, paano naman ang mga may-ari ng outlet na abunado at kanilang mga empleyado?
Ang nangyari kasi, literal na paggising nila ay wala na pala silang trabaho. Hindi sila nagsugal pero, bakit para silang minalas?
Sana, maunawaan ito ng ating pangulo at ng gobyerno. Sila rin ay mga manggagawa na nagtatrabaho para may ipantutustos sa pamilya.





Comments