60-day ultimatum ng DILG | clearing operations sa LGU, umarangkada


NAGLUNSAD ang lokal na pamahalaan ng Taguig ng mas pinaigting na clearing operations sa mga nakaharang sa kalye tulad ng mga iligal na istruktura, tindahan at nakaparadang sasakyan.
Pinangunahan ito ng Traffic Management Office, Public Order and Safety Office, Market Management Office, Business Permits and Licensing Office, General Services Office, Solid Waste Management Office, City Engineering Office, Public Transport Office at Barangay Affairs Offices kasama ang Philippine National Police at ang Metropolitan Manila Development Authority.
Isinagawa ang mga operasyon alinsunod sa pinirmahang Executive Order ni Mayor Lino Cayetano kung saan iniutos sa mga departamento na masiguro ang pedestrian at vehicular mobility at access sa mga serbisyo-publiko gamit ang mga pampublikong daanan at kaparehong imprastraktura upang masiguro ang seguridad ng publiko.
Matatandaang, sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA), inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng lokal na pamahalaan na bawiin ang public roads. Inatasan naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Unit (LGU) na kumpletuhin ang nasabing kautusan sa loob ng 60 araw. (BRT)





Comments