top of page

'Wag mag-panic, besh... nanaginip ng puno na walang dahon; susuwertehin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 29, 2019
  • 1 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Grace ng Grace _Waje@facebool.com

Dear Professor,

Napanaginipan ko ang bahay na mayroong puno na may bulaklak, pero walang dahon, tapos, napakarami ng ibon at may pugad pa sila sa nasabing puno.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Salamat!

Naghihintay,

Grace

Sa iyo, Grace,

Marahil ay nagtataka ka sa puno na iyong napanaginipan na walang mga dahon. Hindi ka dapat magtaka dahil may mga puno talaga na walang dahon at nangyayari ito kapag ang puno ay mamumulaklak na.

Sa panahon ng pamumulaklak, ang mga puno ay halos walang mga dahon, pero kung mayroon man, makikitang kaunti lang ang mga dahon nito. Para malaman mo kung ito ay totoo, maghanap ka ng puno na maraming dahon at obserbahan mo ito.

Sa mga puno lang ba nangyayari ang batas na ito ng kalikasan? Hindi, dahil sa mga tao, ito rin ay nararanasan, lalo na ng kababaihan. Kapag dumarating ang takdang panahon ng kanilang menstruation, ilalabas na ang mga sinasa­bing patay na dugo, pero ang mga ito ay ‘yung nasa loob ng ovary na kailangan malaglag o “malagas” kung puno ang pag-uusapan.

Kaya ang panaginip ay nagsasabing, dumating na ang takdang panahon kung kailan mamumunga na ang iyong pagsisikap dahil ang kasunod ng mga bulaklak ay mga bunga.

Ito ang malalim na kahulugan kung bakit ang puno sa iyong panaginip ay walang dahon, pero maraming ibon.

Kaya habang takang-taka ka sa panaginip mo, magpa­salamat ka sa langit dahil muli, dumating na ang takdang-araw na ikaw ay makikitang magkakaroon ng magandang kapalaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page