top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

BASILAN CTC, IPAMBABALA NG ‘PINAS SA FIBA 3X3

  • A. Servinio
  • Jul 29, 2019
  • 2 min read

UMUWING mga bagong milyonaryo ang Phenom Basilan CTC Construction sa pag­wawakas ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup na handog ng Coca-Cola noong Sabado sa SM Megamall. Kinailangan ng Basilan ang overtime upang biguin ang Wilkins Balanga, 21-20, at makuha ang isang milyong pisong gantimpala at ang karapatan na katawanin ang Pilipinas sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Jeddah, Saudi Arabia ngayong Oktubre 18.

Nagtapos ang 10 minuto sa 19-19 sa bisa ng buslo ni Chris de Chavez na may 6 na segundong nalalabi. Unang nakapuntos ang Balanga, salamat kay Karl Dehesa, pero tinapos ni Franky Johnson ang laro matapos ang kanyang dos. ”Everything happened so fast, my teammate kicked out the ball to me and I just shot it and, thankfully, it went in,” wika ni Johnson. “I’m looking forward to represent the Philippines internatio­nally and this is for my family in Ilocos Sur and Ilocos Norte, Pangasinan and Cavite.”

Tinalo ng Basilan ang mga bisita mula VetHealth Delhi 3BL ng India sa semi­finals, 21-14. Kabaligtaran ito ng quarterfinals kung saan tinambakan nila ang Tycoon Quezon City, 21-4. Mahirap din ang dinaanan ng Balanga bago harapin ang Basilan. Una muna nilang binura ang Inoza Gulf Supreme Bulacan sa quarterfinals, 21-7, at nagtrabaho nang husto bago manaig sa Gold’s Gym Pasig sa isang mainit at emosyonal na semifinals, 21-17.

Maliban kay Johnson, ang iba pang mga kasapi ng kampeon ay sina Troy Rike, Roosevelt Adams at import Marcus Hammonds. Kahit bigo, nag-uwi ng P400,000 ang Balanga at sila ang kakatawan sa bansa sa FIBA 3X3 Challenger sa Xiongan, Tsina ngayong Agosto 23 kung saan ang mga mananalo ay tutuloy sa yugto ng World Tour Masters sa Los An­geles, California sa Set­yembre 21.

Sa mga side event, wi­nalis ni Kiran Shastri ng Delhi 3BL ang kanyang ika-limang sunod na kampeonato sa Two-Point Shootout. Nag­tabla at naghati sa premyo sina David Carlos at Brodie Stephens ng U.S. sa Slam Dunk Contest.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page