Sey ng experts... sakit na mula sa tubig, posible!


NAPAKASARAP maligo at magbabad sa tubig, lalo na kapag tag-init, pero kung anong ikinasarap ng pagligo kapag summer, siya namang nakatatamad maligo tuwing malamig ang panahon, aminin! Pero, mga ‘tol, knows ba ninyo na mayroong mga taong kahit na gustuhin nilang magbabad sa tubig at i-enjoy ang paliligo ay hindi nila ito maaaring gawin? Bihira lamang ang ganitong kondison, ngunit, sobrang hirap dahil kapag nagkaroon ng contact sa tubig ang balat ng taong may ganitong kondisyon ay maaari itong magdulot ng malubhang pangangati na puwedeng tumagal hanggang sa isa o mahigit pang oras.
Ang kondisyong ito ay tinatawag ng Aquagenic Pruritus. Sey ng experts, hindi malinaw ang sanhi ng kondisyong ito.
Ayon sa kanila, posibleng sintomas ito ng polycythemia vera (uri ng cancer sa dugo) o iba pang kondisyon tulad ng cancer sa dugo na myeloproliferative neoplasms at myelodysplastic syndromes. Kaugnay nito, ayon sa isinagawang pag-aaral ng BMC Dermatol noong 2009, isinaad na maiuugnay din ito sa lymphoblastic leukaemia, isang uri ng blood cancer.
Posible ring sintomas ito ng hypereosinophilic syndrome (isang uri ng genetic disease) o juvenile xanthogranuloma (dermatologic disorder). Ngunit, maaari ring dulot ito ng lactose intolerance o hepatitis C.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa noong 2009 sa Nigeria na pinamagatang “Prevalence and Characteristics of Aquagenic Pruritus in A Young African Population,” ang Aquagenetic Pruritus ay hindi nagtatagal ng higit sa isa o dalawang araw kaya, marami ang mayroong ganitong kondisyon na binabalewala ito, ngunit, maaari itong makaapekto sa sikolohikal na aspeto ng taong nakararanas nito dahil posible siyang makaranas ng phobia o matinding takot sa paliligo.
Samantala, kahit hindi malinaw ang sanhi ng kondisyong ito, nakasaad sa Indian Journal of Dermatology na maaaring makatulong ang antihistamine, UVB phototherapy at PUVA therapy para maibsan ang pangangati ng balat na dulot nito.
Dagdag pa ng ilang experts, ang paglalagay ng sodium bicarbonate sa tubig na gagamiting panligo ay makatutulong din.
Oh, ayan mga lodi, now we know na mayroon palang ganitong klase ng kondisyon.
Kaya kung ikaw ay nakararanas nang matinding pangangati ng balat pagkatapos maligo, naku, ‘tol, huwag mo ‘yang balewalain.
Okay?





Comments