Puro dayaan — Digong | Lotto, iba pang PCSO games, stop!

WALANG balak si Pangulong Rodrigo Duterte na kilalanin ang mga court order na pipigil sa kanyang kautusan na ipatigil ang mga gambling operation na hawak ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ay makaraang ipatigil ng pangulo ang operasyon ng Lotto, Small Town Lottery (STL), Keno, Peryahan ng Bayan at lahat ng gaming operation o scheme na may lisensiya o prangkisa mula sa PCSO.
Sinabi pa ni P-Duterte na hindi niya kikilalanin ang anumang utos mula sa anumang korte na magpapahinto sa kanyang kautusan.
“As of today, I will not honor any — any order from any court stopping us or enjoining us to stop our desire to go into a massive investigation for the massive corruption that is existing in the PCSO. Hinto lahat. That’s my order. Irrespective of the — ‘yung mga sinabi ko na court order enjoining everybody to stop or not to do or what not to do, especially government,” ani P-Duterte sa kanyang video message na inilabas sa Facebook page ng Presidential Communications Operations Office, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa pangulo, ang malawakang korupsiyon ang dahilan kaya niya ipinahinto ang operasyon ng PCSO games.
“Sa mga kababayan ko. I have today ordered the closure, the stoppage of all gaming schemes of whatever nature, however done, that got their franchises to do so from the PCSO,” ani P-Duterte.
“Wala ako magawa. I have to do it. I will not honor transactions that are clearly on the side of, you know, scheming people, the Republic of the Philippines, of the money due it. Puro dayaan lahat at ‘yung mga kontrata ay parang crafted in favor of corruption and to favor other corporations and people. I will not allow it,” dagdag pa ng pangulo.
Ikinatuwiran pa na ang ahensiya ang nanghingi ng sitwasyon sa sinapit nito.
“Talagang hiningi ninyo. Sinabi ko na nga walang corruption. Hinihingi talaga ninyo, ibigay ko sa inyo,” pahayag pa nito.
“So I repeat I’m ordering the military and the police to stop all gaming. Lotto, STL, Peryahan ng Bayan pati those machines that can be found everywhere which is actually gambling. If I — if I were… If I were to give my sentiment about gambling, mas gusto ko mawala ito lahat. Kung meron man, I will maybe confer with the leaders of Congress muna. I am… the order is grounded on the preservation of the resources of the nation,” dagdag pa ng pangulo.
Kasabay nito, inutusan din ni P-Duterte ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipatupad ang kanyang direktiba sa loob ng 24-oras at arestuhin ang mga magpapatuloy ng operasyon o lalabag sa kanyang utos.
◘◘◘
Mga korup sa PCSO, ibubulgar!
NAKATAKDANG pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal na sangkot sa malawakang korupsiyon sa PCSO sa tamang panahon.
Kasunod ito ng direktiba ng pangulo na itigil ang lahat ng uri ng laro o sugal sa ilalim ng PCSO dahil sa katiwalian.
Sa kasalukuyan, aniya, masusing binubusisi ng pangulo ang mga pangalan na idinadawit sa naturang katiwalian dahil ayaw nitong magkamali.
◘◘◘
Humihingi ng tulong sa PCSO, pumunta sa pagcor — palasyo
MAAARING humingi ng financial assistance sa Philippine Amusement and Gaming Corp., Office of the President o iba pang ahensiya ng gobyerno ang mga humihingi ng tulong sa PCSO.
“Kung ipapatigil, ibig sabihin, walang papasok na pera maliban sa dating pera. Meron pa naman tayong PAGCOR at sa ibang ahensiya ng gobyerno,” ani Panelo.
Hindi pa masasabi kung hanggang kailan ang utos na ito ni P-Duterte kaya mas mabuting huwag na munang tumaya.
Aniya, labis ang pagkadismaya ng pangulo dahil ginawang gatasan ng mga tiwaling opisyal ng PCSO ang naturang mga numbers game. Giit ni Panelo na mas malaki na ang ninanakaw na pera kaysa sa dapat ay kinikita ng gobyerno.
◘◘◘
Lotto, STL, Keno, Peryahan ng Bayan, ipinatigil | PCSO kay P-Duterte: usap tayo
INIHAYAG ng PCSO na kanilang kakausapin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay para kumbinsihin ang pangulo na muling pag-aralan ang kanyang desisyon na ipatigil ang operasyon ng Lotto, Small Town Lottery (STL), Keno at Peryahan ng Bayan na pinangangasiwaan ng PCSO.
Ito ang kanilang tugon makaraang ipag-utos ng pangulo ang pagpapatigil sa lahat ng mga sugal na nasa ilalim ng PCSO simula kahapon.
Samantala, sa video statement, sinabi ng mga PCSO official na kanilang sinusuportahan ang anti-corruption drive ng pamahalaan subalit, nakiusap na huwag naman sanang madamay ang buong operasyon ng ahensiya.
Malaki umano ang magiging epekto ng tigil-opeasyon sa beneficiaries ng tulong mula sa PCSO lalo na ang mga may sakit.





Comments