Pangarap na suwerte, naging bato pa dahil wala nang lotto

IPINATIGIL na ni P-Digong ang lotto at iba pang sugal.
Bawal nang mangarap!
◘◘◘
HABANG nag-e-earthquake drill sa Metro Manila, nakaranas ng kambal na lindol ang Batanes.
Nakupo!
◘◘◘
SAKALING tumama ang Magnitude 8 na lindol, ang buong Metro Manila ay magiging biktima rin.
Maging ang mga rescuer na nag-practice kahapon ay mapaparalisado.
Wa’ epek ang ganyang earthquake drill!
◘◘◘
DAPAT maging aral ang nangyari noong panahon ng Bagyong Yolanda.
Maging ang mayor, Marines at mga pulis ay biktima ng naturang bagyo.
Hindi nila nagawang mag-rescue sapagkat sila ay kasama sa mga biktima.
Ang mayor at ang kanyang misis ay nasa “palupo ng kanilang bahay” dahil sa tsunami!
◘◘◘
GANYAN din sa malakas na lindol, ang mayor, ang mga pulis, ang ospital, ang bumbero at opisyales ng gobyerno ay biktima kasama ang kanilang pamilya.
Paano makare-rescue kung ang “praktisadong rescuers” ay biktima rin?
◘◘◘
ANG tumpak na earthquake drill ay ang pagsaklolo ng mga taga-Central Luzon at Southern Luzon sa Metro Manila.
Dapat ang mga sinasanay na rescuer mula sa Bulacan ang mag-rescue sa mga taga-Pasay; ang rescuers sa Pampanga ay i-rescue ang mga taga-Caloocan; ang rescuers sa Batangas ay i-rescue ang mga taga-Parañaque etc.
Dapat may ginamit na helicopter sa earthquake drill noong Sabado.
Paralisado ang kalye sa Magnitude 8!
◘◘◘
ANG malakas na lindol ay magbubunsod ng blackout at kawalan ng tubig na maiinom.
Bakit nagpa-ringtone ang NDRRMC, pero hindi pinapatay ang elektrisidad sa Meralco?
Dapat brownout sa Metro Manila sa earthquake drill upang masanay ang rescuers sa panahon ng Magnitude 8 na walang elektrisidad at walang supply ng tubig!
◘◘◘
SA earthquake drill, dapat lahat ng bahay sa barangay ay may kani-kanyang “survivors kit”, kumpleto ang gamit.
Dapat ang barangay rescue team ay wala sa sarili niyang barangay kundi nasa kabilang barangay.
Hindi makapagre-rescue ang kapwa ka-barangay kapag ang malakas na lindol ay nakasentro sa naturang barangay.
Ang magre-rescue ay magmumula sa “lugar kung saan” hindi apektado ng kalamidad o trahedya!
◘◘◘
SA totoo lang, kapos ng pang-unawa ang mga nasa gobyerno kung ano ang aktuwal na senaryo na magaganap sa panahon ng trahedya at kalamidad.
Balikan natin ang “Yolanda” para matutunan ninyo ang tamang senaryo!





Comments