top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

2 traffic enforcers tiklo sa kotong

Madel Moratillo
Jul 28, 2019
1 min read

SA kulungan ang bagsak ng dalawang traffic enforcers matapos umanong kotongan ang isang UV Express driver sa Bgy. Sta. Lucia, Pasig City, kamakalawa.

Kinilala ni Pasig City Police P/Col. Rizalito Gapas ang mga naarestong suspek na sina Emmanuel de Guzman, 49, ng Bgy. Palatiw at Christopher Punzalan, 45, ng Bgy. Bambang, kapwa miyembro ng Traffic Management Office.

Alas-4:45 ng madaling-araw nang mahuli ng mga awtoridad ang mga suspek sa De Castro Avenue kanto ng Ortigas Ave. sa Bgy. Sta. Lucia, kasunod ng reklamo ng UV Express driver na si Rey Macawile, 45, ng Bgy. Munting Dilaw, Antipolo City.

Batay sa reklamo ni Macawile, noong Hulyo 25, minamaneho niya ang kanyang UV Express na Toyota Hi-Ace Commuter (ABC 6693) nang parahin siya ng mga suspek sa Ortigas Avenue Extension dahil umano sa pagiging ‘out of route’.

Kinuha umano ng mga suspek ang mga dokumento ng sasakyan ng biktima at inatasan siyang ihatid muna ang kanyang mga pasahero saka bumalik upang bayaran ang kanyang P1,000 violation.

Agad namang nagsumbong ang biktima sa mga tauhan ng follow-up unit na pinamumunuan ni P/CMS Ariel Galvejo, na siyang nagkasa ng entrapment operation at nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek, habang tinatanggap ang marked money mula sa biktima.

Narekober mula kay Punzalan ang marked money habang ang mga dokumento ng sasakyan ng biktima ay nakuha naman kay De Guzman.

Kapwa nakadetine na ang mga suspek sa temporary custodial facility ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong robbery extortion sa piskalya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page