ROTC, ‘wag gawing sapilitan!
- Ryan B. Sison
- Jul 27, 2019
- 1 min read

NOON pa nais ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para umano madisiplina ang mga kabataan ngayon na tila nawalan na ng pagmamahal sa bayan, gayundin, para maihanda ang mga ito sakaling magkaroon ng problema sa seguridad ng bansa.
Gayunman, totoong may maganda itong maidudulot, pero dapat ding ikonsidera ang ilan na hindi bukal ang kalooban na sumailalim dito.
Kaya kung ibabalik ang ROTC, mainam kung hindi ito gagawing mandatory, maglatag na lamang ng iba pang opsiyon para sa interes ng iba na mayroon ding epekto para sila ay maging makabayan.
Samantala, bagama’t, suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbabalik sa mandatory ROTC, nangangamba pa rin sila na ang pagbabalik nito ay maging dahilan ng paglabag sa karapatang-pantao, gayundin ang pang-aabuso o hazing.
Hindi naman siguro natin gugustuhin pang mangyari dahil na rin sa iba’t ibang kaso nito na nagbigay ng mitsa sa buhay ng kabataan.
Dagdag pa rito, alam nating hindi lang ito ang paraan para madisiplina ang mamamayan, kaya kung may iba pang option, ilatag sana ng pamahalaan!
Huwag nating dagdagan pa ang pasanin ng mga estudyante sa pagkuha ng ROTC.
Tandaan, ang pagiging makabayan ay hindi dapat sapilitan, ito ay kusang ibinibigay sa tulong ng disiplina at pagmamahal sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments