top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

GOLFER SASO, LUMUTANG SA Q’FINALS NG U.S. C’SHIPS

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jul 27, 2019
  • 1 min read

PINATUNAYAN ni Fil-Japanese Yuka Saso na karapat-dapat sa kanya ang “topseed” na bansag matapos nitong paluhurin ang dalawang karibal sa pangalawa at pangatlong yugto ng match para makapasok sa quarterfinals ng umiigting na 71st U.S. Girls’ Championship sa palaruan ng SentryWorld sa Stevens Point, Wisconsin.

Kinakitaan si Saso, nagwagi sa katatapos na 2019 Junior PGA Championship sa Hartford, Connecticut, ng tatag ng dibdib matapos itong makahulagpos sa dikdikang duwelo laban sa US bet na si Phoebe Brinker. Sa unang 12 butas, walong beses na nagtabla at dalawang beses napunta kay Brinker ang kalamangan. Pero, napagwagian ni Saso ang hole nos. 13, 14 at 15 bago naitabla ang pang-16 na butas para maselyuhan ang round-of-32 na tagumpay kahit na may dalawang butas pa ang natitira.

Pinagpag din ni Saso, 18-anyos at nagwagi ng dalawang gintong medalya sa huling Asian Games, ang pambato ng Texas na si Anne Chen sa round-of-16 na labanan. Nanaig si Saso sa limang butas at hindi nakaiskor ni minsan ang katunggali kaya pagkatapos ng girian sa hole 14, nasigurado na ang upuan ng dalagita sa quarterfinals

Makakasagupa ng Pinay, na isa ring Youth Olympic Games silver medalist, si Rose Zhang ng California sa pagpapatuloy ng paglalakbay ng mga manlalaro papunta sa prestihiyosong Glenna Collett Vare Trophy at sa exemption sa 2020 US Open.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page