CELEB KUYA KIM, LEGASPI AT HO, PAMBATO NG ‘PINAS SA LONDON
- A. Servinio
- Jul 27, 2019
- 1 min read

MAGIGING kinatawan ng Pilipinas ang mga cycling celebrities na sina Kuya Kim Atienza, Zoren Legaspi at Gretchen Ho sa 2019 PRUride London ngayong Agosto 3 at 4. Lalahok ang tatlo sa ika-7 edisyon ng tinaguriang pinakamalaking cycling festival sa buong mundo.Nakalista sina Atienza at Legaspi sa 100 milya o 160 kilometrong karera habang si Ho ay kasama sa 46 milya o 73.6 km. Puspusan ang kanilang ensayo buhat noong matagumpay na PRUride PH Gran Fondo noong Mayo na ginanap sa Subic Bay Freeport. “Hindi ko alam kung hahabulin ko ang isang magandang oras o mag-enjoy nalang ako sa mga tanawin at kumuha ng mga selfie kasi ito ang una kong karera sa labas ng Pilipinas,” wika ni Legaspi. “Pero, competitive na tao ako at lalong gaganahan akong bumilis kung may lumalampas sa akin.”
“Ito na ang pinakamalayong distansiya na tatahakin ko sa bisikleta,” dagdag ni Ho, ang dating bituin ng volleyball sa UAAP. Nag-eensayo si Ho kasama ang kanyang coach na si Dwan Abantao at may dagdag-saysay ang kanyang pagsali dahil mag-aalay siya ng 10 British pounds o P640.00 sa bawat kilometro niyang tatapusin sa Waves For Water. Bilang mga celebrity, alam ni Atienza na silang tatlo ay makakahimok sa marami na magbisikleta at mamuhay nang malusog. “Halos 80 porsiyento ng aking mga post sa social media ay tungkol sa cycling,” wika ni Atienza. “Ginagawa ko ito kasi gusto kong maging mabuting ehemplo sa aking pamilya,” dagdag ni Legaspi. “Nakikita ng mga anak ko na ang daddy nila ay nag-e-ensayo ng madaling araw kahit pagod galing shooting o taping.”





Comments