Booth ng grab PH sa PCUP caravan, abangan!


LUMALAPIT ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa mga pribadong kumpanya upang makasama ito sa ating priority programs at pagbibigay ng serbisyo-publiko sa mga mahihirap nating kababayan tulad ng tampok natin ngayong araw.
Ngayong Agosto 7, lalagdaan na ng PCUP at Grab PH ang partnership nito upang magbigay ng alternative livelihood sa mga maralitang nagmamay-ari ng motor. Sa mga service area ng Grab PH bukod sa NCR, napakarami ang nagmamay-ari ng motor at siguradong papatok sa mga ito ang livelihood na handog natin.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin, nalaman kong agarang nag-a-accredit ang Grab PH ng riders para sa Grab Express at Grab Food. Gusto kong maging Grab rider para mayroon akong pandagdag-kita. Kailan ang susunod na caravan ninyo kasama ang Grab PH at ano ang mga requirements? Salamat! — Luis
Sagot
Magandang araw, Luis. Ang susunod na caravan ng PCUP kasama ang Grab PH ay gaganapin ngayong Agosto 7 sa Navotas Sports Complex, Bgy. Sipac-Almacen, Navotas City.
Inaabisuhan natin ang ating mga kababayan na gustong maging Grab Food at Grab Express riders na ihanda ang kanilang mga papeles upang mapabilis ang accreditation dahil pagdating sa caravan, isusumite ninyo ang mga dokumento at bibigyan kayo ng seminar ng Grab PH.
Anu-ano ang mga dapat nating ihanda? Dapat ang cellphone ninyo ay Android version 6 pataas. Maaari itong makita sa settings sa option na “about phone”.
Magdala kayo ng NBI Clearance, Professional Driver’s License, photocopy ng OR/CR o sales invoice ng inyong gagamiting motor, TIN I.D. at iba pang government-issued ID o student ID na may kasamang PSA Birth Certificate.
Kaugnay nito, kung hindi sa inyo nakapangalan o hindi kayo ang nagmamay-ari ng motor na gagamitin, kailangang magsumite ng authorization letter na pinahihintulutan kayong gamitin ang motor.
Kapag maayos na ang nakasaad sa itaas, maaari na ninyong sagutan ang application form na makukuha sa booth ng Grab sa caravan o sa kanilang website. Pagkatapos ay isumite ang mga nabanggit na requirements sa booth. Kapag pasado na sa unang screening, isasailalim kayo sa training. Mayroon silang ibibigay na training sa caravan.
Siguraduhin lamang na ang aplikante ay 18-55 years old. Ang 50-55 years old ay dapat “fit-to-work” at para sa mga biker, siguraduhing mayroong bisikleta na nasa maayos na kondisyon.
Kung kayo ay mayroong katanungan, suhestiyon o ihihingi ng tulong, maaari kayong magtungo o sumulat sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com o mag-message sa ating Facebook page na @PCUPOfficial.





Comments