PHL SEA GAMES, MALA-ASIAN GAMES ANG LEVEL!

NASA takdang oras na ang paghahanda ng lugar na pagdarausan ng 30th Southeast Asian Games ngayong Nobyembre. Hahatiin ang 56 na disiplina sa tatlong pangunahing lugar – Clark, Subic at Kalakhang Maynila at mga piling satellite venue sa mga malalapit na lalawigan.
Iyan ang ibinalita ni Ramon Suzara, Chief Operating Officer ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) kung saan aniya, gagawa ng kasaysayan ang Pilipinas dahil ang pambungad na seremonya ay gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Nobyembre 30. “We’re trying to raise the SEA Games level to the Asian Games level,” aniya. “We want to educate the public that this is the new SEA Games.”
Ito ang unang pagkakataon na bubuksan ang palaro sa loob ng isang arena at may nakaplanong sorpresa ang PHISGOC na mga digital performer na nagpakita ng kanilang talento sa mga nakaraang Asian Games at Olympics.
Ang athletics at aquatics ay gaganapin sa bagong tayong New Clark City. Ang iba pang mga disiplina sa mga karatig lugar ng Clark ay ang archery at rugby sevens sa Clark Parade Grounds; obstacle course, petanque at lawn bowls sa Clark Global City; baseball at softball sa The Villages; dancesport sa Royce Hotel; golf sa Luisita Golf and Country Club; judo, jiu jitsu at kurash sa Laus Group Events Center; arnis, sambo at wrestling sa Angeles University Foundation; at wakeboarding sa Deca Wakeboard Park.
Sa Subic gaganapin ang karamihan ng palaro na kailangan ang tubig-dagat tulad ng canoeing, kayak at traditional boat o dragon boat racing sa Malawaan Park; open water swimming, modern pentathlon, triathlon at duathlon sa Boardwalk; windsurfing sa Lighthouse Hotel; rowing sa Triboa Acea Beach at yachting sa Subic Yacht Club. Ang iba pang laro sa Subic ay chess sa Travelers Hotel; muay thai, pencak silat at table tennis sa Subic Bay Events and Convention Center, sepak takraw sa SBMA Gym; at beach handball at beach volleyball sa Subic Tennis Courts.
Ikakalat sa Kalakhang Maynila ang mga sikat na laro na tiyak na hahakot ng maraming manonood katulad ng basketball sa Mall of Asia Arena at volleyball sa Philsports Arena. Nilinaw ni Suzara na lahat ng mga laro ay mangangailangan ng tiket ngunit, ang presyo nito ay mas mababa sa nakasanayan.
Ang 3X3 at eSports ay lalaruin sa FilOil Flying V Centre; badminton sa Makati Coliseum; bowling sa Starmall EDSA, boxing sa PICC Forum, kickboxing sa Cuneta Astrodome; billiards at snooker sa Manila Hotel; men’s football, lawn tennis, soft tennis at gymnastics sa Rizal Memorial Sports Center; weightlifting at taekwondo sa Ninoy Aquino Stadium; ice hockey sa SM Mall of Asia, ice skating at speed skating sa SM Megamall; at fencing, wushu at karate-do sa World Trade Center. Makakapanood ng Polo sa Romero Sports Club sa Calatagan, Batangas, cycling at skateboarding sa Tagaytay City, women’s football sa Biñan Stadium, netball sa Santa Rosa City, floorball at indoor hockey sa Los Baños Centro Mall, underwater hockey sa Vermosa Sports Hub sa Imus City at surfing sa Monalisa Point sa San Juan, La Union.
Nangako si Suzara na gagawin nila sa PHISGOC ang lahat para sa isang matagumpay na SEA Games at maaabot nila ang mga takdang petsa para matapos ang mga palaruan. Sa Nobyembre 20 nakatakdang buksan ang Athletes Village at susundan agad ito ng pagtaas ng mga bandila ng mga kasaling bansa sa Nob. 28.





Comments