top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

CHUA, HUMANDA SA WORLD 10-BALL KING

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jul 24, 2019
  • 1 min read

UMUSAD sa susunod na yugto ang Pinoy cue artist na si Johann Chua matapos daigin ang kababayang si Raymond Faraon, 8-5, para manatiling buhay ang kampanya ng Pilipinas tungo sa trono ng gaganapin na 2019 World 10-Ball Championship simula ngayong Hulyo 27 sa Rio All Suites ng Las Vegas, Nevada.

Hindi rin nagpaiwan si Alex Pagulayan nang patumbahin si Darren Appleton ng England, 8-4, sa torneong may cash pot na $100,000 para sa mga makakapasok sa winners’ circle.

Sisikapin ni Chua na mailabas ang pormang nagbigay sa kanya ng isang podium finish noong nakaraang World Pool-Billiard Association (WPA) Players Championship dahil ang susunod niyang makasasagupa ay ang kasalukuyang World 9-Ball king na si Joshua Filler ng Germany.

Humakbang paabante ang Aleman matapos daigin ang pambato ng China na si Fan Yang sa iskor na 8-5.

Nagbabakbakan pa sina Ko Pin-Yi at Ariel Castro sa kasalukuyan para makuha ang karapatang humarap sa tubong Isabela at dating World 9-Ball king na si Pagulayan sa kompetisyong nilimithan lang sa 64 na pinakamalulupit na manunumbok sa buong mundo.

Bukod kina Chua, Pagulayan at Filler, umabante rin ang mga bigating manunumbok na sina Chang Jung-lin (Taiwan), Chris Melling (Great Britain); Las Vegas Diamond Open champ Niels Feijen (Netherlands), World Cup of Pool winner Albin Ouschan (Austria) at Jayson Shaw (Scotland).

Maliban naman kay Faraon, hindi rin naging maganda ang takbo ng kampanya ng iba pang mga Pinoy sa bakbakan para makapasok sa 16-kataong final round.

Tumiklop si Warren Kiamco kay Taiwanese Yu Hsuan Cheng, 5-8; walang nagawa si Zoren James Aranas kay Toru Kuribayashi ng Japan, 6-8; at sumuko si Roberto Gomez kay Polish ace Karol Skowerski (3-8).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page