2 BESES SUMABOG ANG JRU; LPU, ‘DI NALUSUTAN NG SSC

BUHAY na buhay muli ang kampanya ng Jose Rizal University sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos nilang paluhurin ang University of Perpetual Help System-Dalta, 71-66, kahapon sa FilOil Flying V Centre. Ito na ang ikalawang sunod na tagumpay ng Heavy Bombers matapos matalo sa unang tatlong laro. Nagsanib-puwersa ang mga rookie na sina John Anthony Amores at Marwin Dionisio para sa 15 puntos upang itulak ang JRU sa lamang matapos ang unang quarter, 17-11.
Mula roon, tumulong din sina Ry Dela Rosa, Stefan Steinl, Agem Miranda at JL Delos Santos upang alagaan ang kanilang lamang. Nagtapos si Amores na may 15 puntos at 4 rebounds.
Nag-ambag ng tig-12 puntos sina Dela Rosa, Dionisio at Steinl. Sa pangalawang laro, nagpasiklab sina Lorenzo Navarro at Jayson David para sa Lyceum of the Philippines University upang ibagsak ang dating paaralang San Sebastian College, 80-69. Biglang lumamig ang opensa ng Stags sa huling quarter at kinuha ng Pirates ang pagkakataong lumayo nang tuluyan sa likod nina Navarro, David at magkapatid na Jayvee at Jaycee Marcelino.
Namuno sa panalo si Jayvee na may 12 puntos. Parehong gumawa ng tig-11 puntos sina Jaycee, Navarro at Enoch Valdez, habang 10 puntos ang dagdag ni David.





Comments