Mga sipsip, sure na may puwesto sa gobyerno ni P-Digong

PARTIDUHAN, OUT; SIPSIPAN SA PANGULO, IN! —Nahalal muli na Senate President si Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at sa House of Representatives naman ay nailuklok na House Speaker si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano ng Nacionalista Party (NP).
Ngayon lang nangyari na ang Senate President at House Speaker ay hindi kapartido sa PDP Laban ng pangulo.
Ibig sabihin, ngayong panahon ni P-Duterte, hindi uso ang partiduhan kundi kung sino ang pinakamalakas magsipsip sa kanya, ‘yun ang magkakaroon ng makapangyarihang puwesto sa pamahalaan, period!
◘◘◘
KUNG HINDI NAGBANTA SI P-DUTERTE NA IBOBOYKOT ANG SONA, HINDI SANA NAGING SPEAKER SI REP. CAYETANO — Kung hindi nagbanta si P-Duterte na iboboykot ang kanyang State of the Nation Address (SONA) kung hindi si Rep. Cayetano ang magiging Speaker, malamang, ang naluklok na Speaker ay si Davao City 3rd Dist. Rep. Isidro Ungab na “manok” sa Speakership ng mag-utol na sina Davao City 1st Dist. Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Mayor Sara Duterte-Carpio.
Dahil d’yan, atras ang mag-utol na “Pulong” at “Sara”, hindi na inilaban si Rep. Ungab sa Speakership kaya ang resulta, natupad ni Rep. Cayetano ang ambisyon niyang maging boss ng Kongreso, boom!
◘◘◘
COAST GUARD, SABIT NA RIN SA KATIWALIAN—Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na aabot sa P4.1 billion ang misstatements, fake transactions at unliquidated sa pondo ng Philippine Coast Guard (PCG).
Hala, ang laking pera niyan at ngayon lang nangyari ‘yan ngayong panahon ng Duterte gov’t. na pati ang PCG, nababalot na rin sa katiwalian, buwisit!
◘◘◘
ALYAS HUNK, KOLEKTOR NG ‘TARA’ SA PORT OF SUBIC—Isang alyas Hunk daw ang nanghihingi ng ‘tara’ o ‘tongpats’ sa mga smuggler na nais magpuslit ng epektos sa Port of Subic.
Kung totoo ito, dapat umaksiyon na si POS Dist. Coll. Maritess Martin at ipatokhang na agad niya si “Hunk”, dali!





Comments