MAKAKALUSOT BA SA 2ND WIN ANG JRU; BASTE, AALAGWA BA?
- A. Servinio
- Jul 23, 2019
- 2 min read

NAKATIKIM na ng tamis ng unang panalo ang Jose Rizal University at gusto nila na maulit ito sa pagpapatuloy ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City ngayong Martes.
Haharapin ng Heavy Bombers sa ganap na alas-12:00 ng tanghali ang University of Perpetual Help System-Dalta, isang koponan na nais bumawi matapos matalo sa kanilang huling dalawang laro.
Todo-ganado pa ang JRU buhat noong nakaraang Biyernes ng gabi kung saan, ipinasok ni Agem Miranda ang tres galing sa kanto na may 1.7 segundong nalalabi upang lusutan nila ang season host Arellano University, 80-77 at ibigay kay Coach Louie Gonzalez ang unang panalo bilang NCAA head coach matapos mabigo sa unang tatlong laro. Sa panig ng Altas, hahanap ng paraan si Coach Frankie Lim para magising ang koponan matapos dumapa sa College of Saint Benilde, 63-75, at Colegio de San Juan de Letran sa overtime, 80-82.
Susundan agad sa ganap na alas-2:00 p.m. ng maagang sagupaan ng San Sebastian College at Lyceum of the Philippines University, dalawang paaralan na napipisil na may magandang pagkakataon na maagaw ang korona sa San Beda University ngayong taon. Tiyak na bibida muli sina Allyn Bulanadi at RK Ilagan para sa SSC at ang magkapatid na Jaycee at Jayvee Marcelino para sa Lyceum ngunit, babantayan din kung paano haharapin sa unang pagkakataon ng mga dating Stags na sina Lorenzo Navarro at Jayson David matapos lumipat sa kampo ng Pirates pagkatapos ng 93rd NCAA.
Sa ikatlong laro ng 4 p.m., ipakikita ng Letran kung bakit sila ang isa sa pinakamainit na koponan sa liga sa tapatan nila ng Emilio Aguinaldo College. Wagi ang Knights (3-1) sa kanilang huling tatlong laro at nais nila na ipagpatuloy ito upang manatiling malapit sa mga walang talong San Beda (3-0), San Sebastian (2-0) at Saint Benilde (2-0).
Mga laro ngayong Martes – FilOil Flying V Centre:
12:00 JRU vs. UPHSD:
2:00 Lyceum vs. SSC-R:
4:00 Letran vs. EAC





Comments