Jeepney, trike at pedicab drivers kulong sa shabu

NASA 11 hinihinalang drug personalities kabilang ang 62-anyos na jeepney driver ang arestado sa magkahiwalay na drug operation sa Navotas City.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, ala-1:00 ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLt. Eric Roxas sa A. R Cruz St., Bgy. Tangos sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto kina Pablo Pinto, Jr., 41, mangingisda; Crizaldy de Jesus, 34, mangingisda; Niño Eugenio, 41; Leslie Sigua, 43, at Nestor Tamayo, 62, jeepney driver.
Ani SDEU Investigator PCpl. Catherine Buella, narekober sa mga suspek ang anim na sachets ng shabu at P300 buy-bust money.
Alas-11:30 naman ng Lunes ng umaga nang masakote ng mga operatiba ng SDEU sa buy-bust operation sa kahabaan ng Maliuto St., Bgy. NBBS, Dagat-Dagatan si Edwin Gaspar, 50, tricycle driver at Jessie Lim, 56, pedicab driver.
Tatlong sachets ng shabu at P200 buy-bust money ang nakumpiska sa mga suspek.
Nauna rito, alas-9:00 rin ng Lunes ng umaga, nagsasagawa ng covert target drug personalities surveillance operation ang mga operatiba sa pangunguna ni PLt. Roxas sa Market 3, Bgy. NBBN na nagresulta sa pagkakaaresto kina Christopherson Baruc, 27; Nestorio Reñola, 46; Erwin Modido, 27, at Orlando Tubat, 52.
Narekober sa mga suspek ang apat na sachets ng shabu.





Comments