BFAR. ‘di sapat | Ahensiyang poprotekta sa karagatan ang kailangan

HILING ng environmental group na Oceana kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang-prayoridad ang pagbubuo ng departamento na makapagpopokus sa mga isyung pangkaragatan sa bansa.
Ito ay dahil sa pagkasira ng fisheries at marine biodiversity na nagpapalala umano sa kahirapan at pagkagutom sa coastal at fisherfolk communities.
Sa ngayon ay kabilang lang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga sangay ng Department of Agriculture kung saan hindi gaanong nasosolusyunan ang mga simpleng problema na mayroong malaking epekto para sa lahat.
Dagdag pa rito, kailangan din na istriktong maipatupad ang Fisheries Code para maiwasan ang hindi kontroladong pangingisda sa karagatang sakop ng bansa, halimbawa na lang ang isyu sa West Philippine Sea at iba pa kung saan ang mga Pilipinong mangingisda ang nahihirapan at namumroblema.
Gayunman, para mapangalagaan naman ang mga yaman ng karagatan, mainam kung paiigtingin ang pagba-banned sa single use ng plastik.
‘Ika nga, kung hindi natin pagyayamanin at aalagaan ang mga bagay na mayroon tayo, bukod sa hindi ito uunlad, posibleng masayang at maubos lang ito nang hindi man lang natin napakinabangan nang maayos.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments