top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

QUIZON, NAGPATIKLOP, HARI SA ASIAN JUNIORS BLITZ CHESS SA INDONESIA

Eddie M. Paez, Jr.
Jul 22, 2019
1 min read

TINANGAY ni International Master Daniel Quizon ang korona ng 2019 Asian Juniors Blitz Chess Championship sa Solo, Indonesia taglay rin ang walang talong kartadang pitong puntos.

Pitong karibal, kabilang na ang isang grandmaster, tatlong international masters at dalawang FIDE masters ang humarang sa landas ni Quizon, pero wala ni isa mang nagtagumpay na dumihan ang rekord ng Pinoy.

Ang talaan ng mga tumiklop kay Quizon ay kinabibilangan nina GM Karthik Venkataraman (round 5) ng India, Vietnamese IM Anh Khoi Nguyen (round 4), Indonesian IM Novendra Priasmoro (round 9), kapwa Pinoy IM John Marvin Miciano (round 3), FM Daniel Hermawan Lumban Tobing ng Indonesia (round 2), FM Nitish Belurkar ng India (round 6) at untitled Indonesian Satria Duta Cahaya (round 1).

Malayong pangalawa si Iranian topseed Mahdi Gholami Orimi sa kartadang 5.5 puntos, habang si Nitish ay pumangatlo dahil sa naisumiteng limang puntos.

Ang tagumpay ni Quizon, may rating na 2140, ay tila pambawi rin matapos siyang masipa palabas ng podium sa standard chess, kung saan pumang-apat lang ang 15-anyos sa kompetisyong umakit din ng mga kinatawan mula sa Malaysia, New Zealand, Khazakstan, Vietnam, Iran at Indonesia.

Samantala, inilampaso ni Keith Adriane Ilar ang oposisyon sa tulong ng malinis na rekord para sa korona ng 2019 Cebu Chess Society Cup sa Mandaue Sports Complex ng Mandaue City, Cebu. Siyam na panalo mula sa siyam na salang sa board ang naiposte ng paslit na disipulo ng chess para pakainin ng alikabok ang pinakamalapit na karibal sa 9&Under bracket na sina Reduard Contaoi (7.5 puntos) at Sebastian Marbas (7.0 puntos).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page