top of page

Para ‘di ka natataranta at nangangarag… MGA DAPAT GAWIN BAGO PA LUMINDOL, BUMAHA AT MAGKASUNOG

  • Hiraya
  • Jul 22, 2019
  • 2 min read

BAHA, sunog at lindol — mga kalamidad na hindi madaling masolusyunan. Bagama’t, biglaang nangyayari ang mga ito, ang tanging solusyon ay ang pagiging handa. Kaya mga besh, para maiwasang mataranta sa mga sakuna, narito ang ilang tips para makapaghanda sa panahon ng kalamidad:

1. HAVE A PLAN. Hindi sa lahat ng oras, eh, makapag-iisip kaagad tayo ng solusyon. Gayundin, hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari anumang oras. Dahil dito, dapat nating alamin kung saan ang pinakamalapit na evacuation center at emergency exit. Planuhin kung saan kayo magkikita-kita ng pamilya mo sakaling magkahiwalay kayo at kung paano mako-contact ang mga mahal mo sa buhay.

2. PREPARE AN EMERGENCY KIT. Matagal na itong ipinaaalala sa publiko, pero marami pa rin ang wala nito sa kani-kanilang tahanan. Ang payo ng mga eksperto, dapat magkaroon ng 72-hour kit na mayroong pagkain, tubig, damit, first aid supplies, gamot, flashlight, fully charged na cellphone, pito at de-bateryang radyo. Dapat itong ilagay malapit sa pinto upang mabilis makuha bago lumabas ng bahay.

3. PRACTICE EMERGENCY SKILLS. Kung sakaling may masugatan o mapilayan habang may kalamidad, mahalaga kung mayroon tayong basic knowledge sa first aid at CPR (cardiopulmonary resuscitation). Bukod pa rito, ang tamang paggamit ng fire extinguisher, pagpatay ng main switch, tamang pagtatali ng lubid at iba pa ay dapat din nating alamin. Huwag nating hintaying mayroong maapektuhan bago natin malaman kung paano ito dapat gawin.

4. SECURE IMPORTANT PAPERS AND CONTACTS. Ang mga papeles tulad ng birth certificate, marriage certificate, passport at titulo ng bahay ay dapat magkaroon ng ligtas at iisang lagayan dahil maaari itong magamit sa inyong pagkakakilanlan, gayundin, ang account number sa bangko, hotline ng pulisya, ambulansiya at mga kamag-anak.

5. BE AWARE. Sa panahon ng kalamidad, malaking bagay ang pagkakaroon ng impormasyon dahil makatutulong ito para alamin kung ano ang dapat nating paghandaan. Mahalagang malaman kung ano ang nag-aabang upang maiwasan ang pagpa-panic, gayundin, upang makapaghanda nang wasto. Tumutok sa balita at makialam sa mga kalugar at makipagtulungan sa komunidad.

‘Ika nga nila, walang pinipiling pagkakataon ang aksidente kung saan nangyayari ito sa pinakahindi inaasahang pagkakataon. Kaya sa panahon ng kalamidad, manatiling handa at alerto upang hindi mataranta sakaling mangyari ito.

Keep safe, mga ka-BULGAR!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page