top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

PACMAN, MUNTIK PANG MALUTO, YABANG NI THURMAN, NAPANIS

Gerard Arce
Jul 22, 2019
3 min read

PINATUNAYAN pa rin ni Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao na kaya pa rin niyang makipagsabayan sa mga mas bata sa kanya sa edad na 40.

Ito ay matapos angkinin ng eight-division champ ang World Boxing Association (WBA) Super Welterweight Championship sa pamamagitan ng isang ‘split decision’ kay Keith “One Time” Thurman kahapon sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Ipinagkaloob kay Pacquiao (62-7-2, 39KOs) ang panalo ng dalawang judges na sina Tim Cheatham at Dave Moretti sa parehong iskor na 115-112, habang inilaan naman ni third judge Glen Feldman ang puntos na 114-113 kay Thurman (29-1, 22KOs). “I hope I made the people happy. I really love the fans,” pahayag ng Filipino fight pride na si Pacquiao sa panayam sa kanya matapos ang pag-anunsyo ng pagkapanalo nito. “He’s not an easy opponent. He’s a good boxer,” pagtukoy nito sa katapat niyang si Thurman.

Sa simula pa lang ng kanilang laban ay nagawa nang pabagsakin ni Pacquiao si Thurman sa bisa ng isang right hook sa first round. Makikinitang hawak ng fighting Senator ang mga unang round hanggang sa mapadugo nito ang ilong ni Thurman sa 5th round sa isa na namang kanang suntok.

Binalaan ni referee Kenny Bayless si Thurman sa 6th round dahil sa isang low-blow. Isang straight right hand ang ipinatama ni Thurman kay Pacquiao sa kalagitnaan ng 6th round, pero hindi natinag si Pacman. Sinubukang makabawi ng dating 30-year-old champ na si Thurman sa mga sumunod na round hanggang sa makalusot na ang Florida-native sa bisa ng kanyang kanan at kaliwang suntok sa 7th round na tila nagpayanig sa Pambansang Kamao.

Patuloy na bumabawi si Thurman hanggang sa 9th round sa pagbuhos nito ng pang-kabuuang 26 punches, ngunit hindi pa sapat para habulin ang kalamangan ni Pacquiao kung saan bumibitaw ng 23 porsiyento si Pacquiao sa jabs habang 14% lamang kay Thurman.

Isang kaliwang suntok sa kanang bahagi ng katawan ang nagpangiwi sa mukha ni Thurman matapos ang malakas na upak sa 10th round ni Pacquiao, dahilan upang mahirapan itong makipagsabayan at hinahabol na nito ang kanyang paghinga.

Sa mga huling dalawang round ay patuloy pa ring nakalalamang si Pacquiao kung saan kinailangang makakuha ng isang knockout ni Thurman upang magawang magwagi, ngunit tila nawalang saysay ang 22-KOs record na hawak nito, dahilan upang magwagi ang General Santos-native sa kanilang WBA’s “Super” 147-pound Title fight na live sa FOX Sports Pay-Per-View main event.

Dito ay idineklara nang wagi ang Filipino champion, habang malugod namang tinanggap ng 30-anyos na si Thurman ang pagkatalo at niyakap ang Senador pagkaraan ng laban, pero humiling ito ng rematch sa Pambansang Kamao.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Pacquiao matapos niyang payukuin si Lucas Matthysse (39-5, 36KOs, 1-NC) ng Argentina sa 7th round technical knockout sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Hulyo 15 ng nakaraang taon at isang unanimous decision win laban kay American Adrien Broner (33-4-1, 24KOs, 1 NC) ng 12-round fight sa MGM Grand Garden Arena noong Enero 19 ngayong taon.

Naputol ang winning streak ni Thurman matapos magwagi sa mga nakaraang laban kontra 34-anyos na si Josesito Lopez (36-7, 19KO) noong Enero 26 ngayong taon sa Barclays Center sa Brooklyn, New York at Danny Garcia (34-2, 20KO) noong Marso 4, 2017.

Ngunit, sa parehong laban na ito ay hindi nailabas ni Thurman ang kanyang pamatay na suntok matapos magwagi via Majority Decision kay Lopez at Split Decision kay Garcia, ayon sa pagkakasunod. Patungkol sa pahayag ni Pacquiao sa kung anong ginawa nito matapos subukang humabol ni Thurman sa mga late rounds. “Nagrelax din ako, nahilo rin ako how many times,” wika nito sa panayam ng reporter sa kanya sa ibabaw ng ring at hindi na ito naghintay pa ng sumunod na tanong at tumalikod na ito dahil na rin marahil sa sobrang pagod. Hinggil naman sa mga trashtalks ng American boxer, sinabi na lang ni Pacquiao na, “He was just promoting the fight.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page