top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga Pinoy, nabobola pa rin ng laban ni Pacman

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 22, 2019
2 min read

MULING naglabas ng kaso laban sa pinararatangang kalaban ng estado. Naghain ng kasong “sedition” ang Philippine National Police (PNP) laban sa 35 mamamayan na pinangungunahan ni VP Leni Robredo, mga miyembro ng oposisyon, Obispo at pari.

Nagmula ang kaso sa mga pahayag ni Peter Joemel “Bikoy” Advincula na nakilala dahil sa kumalat na “Bikoy” video na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist.” Napakaraming pangalan ang idinawit ni alyas Bikoy.

Mahigit dalawang taon nang nakakulong si Senadora Leila de Lima, ano ang kaso niya? Sino ang nagdawit sa kanya at ano ang ebidensiyang naiharap laban sa kanya?

Sangkot daw sa “iligal na droga” si Sen. De Lima, galing ito sa pahayag ng mga napang drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Ayon sa mga patakaran ng korte, hindi maaaring tumestigo ang mga napang kriminal. Samakatwid, iligal ang testigo ng naturang mga nagdadawit kay Sen. De Lima sa iligal na droga, nasaan ang ebidensiya?

Hanggang ngayon, walang maipakitang kahit isang gramo ng anumang iligal na droga na may kinalaman sa senadora, simple lang ang naturang “Rule of Evidence”, kapag walang ebidensiya, walang kaso. Kagulat-gulat kung paano nadawit ang pangalan ng senadora sa pahayag ni “Bikoy”, paano ito magkakaroon ng pagkakataong kumilos o magsalita upang itulak ang naturang kaso ng sedition?

Samantala, kahapon, napanood ang laban sa boxing ng kanilang idol na si Manny “Pacman” Pacquiao laban kay Keith Thurman. Maraming nangyari sa mundo ng boxing na hindi nakikita at nalalaman ng karaniwang tao, tila politika ang boksing. Mayroong mga kingpin sa loob at paligid nito. Hindi malayong maluto at maareglo ang mga laban ngunit, ang napakalinaw sa laban nina “Pacman” at Thurman, malaki ang kikitain ng dalawa manalo man o matalo sinuman sa kanila.

Sa totoo lang, hindi tayo excited sa laban na ito. Malinaw ang salaping naghihintay na umapaw sa iba’t ibang bulsa. Bagama’t, hindi tayo apektado ng boksing na ito, apektado ang maraming Pinoy na hanggang ngayon, natutuwang manood ng laban ng kanilang idolo ngunit, magbabago ba ang takbo ng ating buhay, manalo man o matalo sinuman sa kanila?

Malinaw na may mas mahalagang laban, ito ang laban ng totoo sa peke. Matagal nang ipinaiiral at ipinananalo ang peke laban sa totoo. Maraming natutuwa, naniniwala at pumapalakpak sa peke. Maraming nasa panig ng totoo ngunit, tila maraming nasa panig ng peke.

“Sinusuntok” ang mga nasa totoo, ngunit, nagbubulag-bulagan ang mga peke na bumabalik sa kanila ang suntok na kanilang pinakakawalan.

Sa laban nina “Pacman” at Thurman, may mananalo at matatalo, ngunit, sa laban ng “totoo vs. peke”, matagal-tagal pang malalaman kung sino ang mananalo, maliban na lang kung magising ang peke sa katotohanan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page