Apartment pinasok ng akyat-bahay 2 PINAGSASAKSAK NG GUNTING


KRITIKAL ang 24-anyos na lalaki habang sugatan din ang kaanak nito matapos pagsasaksakin ng hinihinalang miyembro ng Akyat-Bahay Gang na pumasok sa kanilang inuupahang apartment sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot sina Darren Soriano at Micael Rosario, sanhi ng mga saksak sa katawan at kamay.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, ang naarestong suspek na si Rexan Caridad, 43, ng Bgy. Mapulang Lupa.
Alas-2:30 ng madaling-araw nang pasukin ng suspek ang apartment ng mga biktima sa pamamagitan ng pagsira sa screen na pinto bago kinuha ang mga gamit sa loob.
Nagising si Jenny Soriano nang marinig ang ingay na gawa ng suspek kaya lumabas ito sa kanyang kuwarto at nakita nito ang suspek na naging dahilan upang magtitili ito na humingi ng tulong.
Hinabol nina Darren at Micael ang papatakas na suspek at inabutan nila sa hagdanan subalit, armado ng patalim si Caridad kaya inundayan ng saksak ang mga biktima.
Naalarma naman ang kanilang mga kapitbahay na tumulong para madakip ang suspek at narekober sa kanya ang mga bag, sapatos, tsinelas, P234.50 cash at ang ginamit sa pananaksak sa mga biktima na patalim at gunting.





Comments