2 utas sa water tank

DALAWANG obrero ang nasawi habang nasa loob ng kinukumpuning water tank sa San Juan, Batangas, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa ospital sina Joel Ramos, 47, at Jose Almarez, 43, inaanak ng una.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rossel Encarnacion, pumasok ang mga biktima sa water tank alas-8:00 ng umaga upang linisin at pinturahan.
Gayunman, natuklasan na lamang ng isang taga-barangay na hindi na gumagalaw ang dalawa nang maghatid ito ng pagkain para sa kanila.
Posible umanong nahirapang huminga ang mga biktima sa loob ng tangke ng tubig na may 10 hanggang 12 talampakang lalim.
Nabatid na maliit lamang ang butas ng tangke kaya walang lagusan ng hangin, dagdag pa ang walang suot na facemask ang mga ito habang nililinis ang makalawang na tangke gamit ang kemikal bago ito pinturahan.
Ang naturang water tank ay pagmamay-ari umano ng Bgy. Barualte na siyang kumontrata sa dalawa.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente.





Comments