top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga negosyo sa Isla ng Boracay, isinara para sa rehabilitasyon, binaha naman ngayon, tsk-tsk-tsk!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 21, 2019
2 min read

MATATANDAANG, anim na buwan isinara ang Isla ng Boracay para sa rehabilitasyon nito. Ang isa sa napakaganda at sikat na isla sa bansa ay dumating sa puntong kailangan itong isaayos mula sa masamang kondisyon.

Oktubre noong nakaraang taon, muling binuksan ang isla sa publiko, pero hindi tulad ng nakasanayan ng marami, ang isla ay naging limitado. Nagkaroon ng limitasyon ang bilang ng mga turistang puwedeng makapasok sa isla bukod pa sa ibang mga pagbabago tulad ng pagbawal ng inuman at maingay na party sa dalampasigan.

Pero, sa kabila ng mga paghihigpit, nakapagtatakang tila pinabayaang makapasok ang mga iligal na negosyong pinatatakbo ng mga Chinese at Koreano.

Ilang negosyo raw ang ipinasara ng gobyerno dahil sa kakulangan ng mga permit, paano nangyaring nakapagbukas sila ng negosyo nang hindi alam ng lokal na pamahalaan?

Samantala, ipinakita ng kalikasan na hindi pa tunay na matatawag na ‘paraiso’ ang Boracay Island kahit ipinasara ito ng anim na buwan.

Nakalulungkot dahil binaha ang isla matapos ang tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat at Bagyong Falcon nitong mga nakaraang araw. Ang paliwanag ng gobyerno, dahil sa isinasagawang drainage system na sa susunod na taon pa raw matatapos. Napakarami pa raw kailangang gawin sa isla na hindi kakayanin ng anim na buwan lamang. Dismayado ang ilang negosyante dahil nawalan sila ng negosyo sa loob ng anim na buwan tapos ganito naman ngayon, binabaha sila, tila mas sumama raw ang sitwasyon. Gayunman, ang hiling ng gobyerno, magtiis muna ang mga kababayan natin.

◘◘◘

Ayon sa pinakabagong resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS), mas maraming Pilipino ang hindi naniniwala sa magandang intensiyon ng China. Naganap ang survey matapos ang insidente sa Recto Bank kung saan tila na-hit-and-run ng Chinese vessel ang bangkang-pangisda ng 22 mangingisdang Pinoy.

Malinaw na hindi ito ikinatuwa ng marami nating kababayan kaya tila naging babala ang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na “nayayamot si Pangulong Rodrigo Duterte kaya tuturuan daw nito ang kanyang mga kritiko”.

Samantala, ang pagbatikos ng mga kritiko sa kasunduan nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping na payagan ang mga mangingisdang Chinese sa West Philippine Sea (WPS) ang isa sa mga kinaiinisan daw ng pangulo, eh, kung ganyang walang tiwala ang karamihan ng mga Pinoy sa China, sino ang dapat masunod?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page