Mga ‘buwaya’ sa Customs, nasa juicy positions pa rin, buwisit!

TESTIMONYA NG SWINDLER AT ESTAPADOR, PINANIWALAAN AGAD KAYA KAMPO NI VP LENI, NAKASUHAN — Dahil sa testimonya ni Peter Joemel “Bikoy” Advincula na ginamit daw siya ng oposisyon para pabagsakin ang Duterte administration, agad sinampahan ng gobyerno ng sedition case at iba pang kaso ang kampo ni VP Leni Robredo at mga Obispo.
Buti pa ang may kasong swindling at estafa na si “Bikoy”, pinaniniwalaan ng Duterte gov’t., pero ang mga mangingisdang nagsabing binangga sila ng Chinese militia vessel sa dagat ng Pilipinas, ayaw paniwalaan, hu-hu-hu!
◘◘◘
SWS AT PULSE ASIA, SUPALPAL SA PSA — Sa data na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo na sa 23 milyong Pinoy ang naghihirap sa bansa dulot ng kawalan ng hanapbuhay o pagiging jobless.
Sa inilabas na data ng PSA, supalpal ang inabot ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia na kamakailan, magkasunod na naglabas ng survey na gumaganda na raw ang pamumuhay ng mga Pinoy sa ilalim ng Duterte gov’t., boom!
◘◘◘
CHINA, PINAKAAYAW NG MGA PINOY NA MAGING KAALYADO NG PILIPINAS — Sa latest survey ng SWS tungkol sa mga bansa na nais ng mga Pinoy na maging kakampi ay no. 1 ang United States, no. 2 ang Japan, no. 3 ang Canada, no. 4 ang Australia at ang pinakakulelat ay China.
Dahil d’yan, dapat nang tigilan ni P-Duterte ang pakikipagkaibigan niya sa China kasi ito pala ang bansa na pinakaayaw ng mamamayan na maging kaalyado ng Pilipinas, period!
◘◘◘
MGA SIMPLENG EMPLEYADO LANG ANG SINIBAK, PERO ANG MGA “BUWAYA” SA BUREAU OF CUSTOMS, NASA PUWESTO PA RIN — Mahigit 40 empleyado ng Bureau of Customs (BOC) na sangkot daw sa korupsiyon ang sinermunan ni P-Duterte at pagkaraan ay inilagay sila ng pangulo sa “floating status”.
Ang kapuna-puna, puro simpleng empleyado lang ang sinermunan at inilagay sa “floating status”, pero ang mga “buwayang” Customs official na pinangalanan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na sangkot sa katiwalian sa Adwana ay hindi nakasama sa mga sinibak at nananatili pa rin sa kanilang mga juicy position sa Customs, buwisit!





Comments