Sa July 22 pa magkakaalaman | ‘SPEAKER CAYETANO’, SUGGESTION LANG NI P-DIGONG


NAMEMELIGRO umano ang pag-asang makamit ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang puwesto sa pagka-Speaker ng Kamara dahil sa kabi-kabilang kontrobersiyang kinasasangkutan.
Partikular umano ang isyu ng korupsiyon sa 2019 Southeast Asian Games at ang mungkahing palawigin ang termino ng mga congressman.
Ayon kay Dr. Paul Martinez ng RP-Mission and Development Foundation Inc. at political analyst, ikadidismaya umano ng mga mambabatas ang pagkakasangkot nito sa umano’y overpriced hosting ng 30th SEA Games at nang iupo umano ang malalapit na kaibigan bilang board of directors ng Philippine Southeast Asian Games Organizational Committee Foundation, Inc. (PHISGOC) na ibinulgar naman ng isang opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) official.
Isang congressman naman mula sa Visayas ang pumuna sa panukala ni Cayetano na pahabain ang termino ng mga mambabatas sa apat taon nang walang term limits mula sa 3 taon o 5 years na may limit na termino na aniya’y isang makasariling panukala at ‘self-serving form of legislation’.
Kasabay nito, nanawagan ang mambabatas na bumoto ayon sa kanilang konsensiya at hindi sa kung ano ang idinidikta ng kinaaanibang partido.
Una nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cayetano bilang susunod na Speaker katuwang ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, sa isang term sharing habang majority leader naman si Leyte Rep. Martin Romualdez.
Gayunman, binigyang-diin ni P-Duterte na pawang suggestion lamang ang endorsement at mga mambabatas pa rin ang masusunod sa July 22, kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA). (BRT)





Comments