OBIENA, ANGAT SA WORLD RANKINGS, NAKA-GOLD SA ATLETICA POLE VAULT

MULING nagwagi ng gintong medalya si Filipino pole vaulter Ernest John Obiena sa Meeting Citta di Padova Atletica Mondiale sa Padua, Italy.
Nagtala ang 23-anyos ng 5.55m na lundag para mahigitan sina Theodo Chrysanthopoulos ng Greece na may 5.30m at German Chiaraviglio ng Argentina na may parehong 5.30m.
Dahil dito ay mas lumaki lalo ang tsansa na makapasok ito sa 2020 Tokyo Olympics sa susunod na taon matapos muling umangat ang puwesto nito sa World Rankings sa magkasunod na gold medal finish. Tatlong magkakasunod na panalo ang naiuwi ni Obiena kabilang dito ang World University Games sa Napoli, Italy noong nakaraang linggo.
Ayon sa latest ranking na inilabas ng International Association of Athletics Federation (IAAF), nakuha ang 23-anyos na UST Engineering student sa 14th place ng 1262. Tanging top-32 pole vaulter lamang ang bibigyan ng slot para sa quadrennial meet na nakatakdang ganapin sa Hulyo 24 hanggang August 9.
Umaasa si Obiena na mapapanatili niya ang kanyang posisyon sa World ranking at patuloy pa ring nangangarap na makakamit na ng Pilipinas ang mailap na gintong medalya sa Olympiada.
May dalawang pagkakataon para makamit ni Obiena ang Olympic dream nito, ang una ay ang mapanatili ang puwesto sa top 32 lists at ikalawa ay ang makuha ang qualifying mark na 5.80m, kung saan kinulang lang ito ng 4cm. Kinakailangan nitong makuha ang record mula Mayo 1 ngayong taon hanggang Hunyo 29, 2020. “Technically, I am qualified in the Olympics as long as I stay at the top 32 lists,” pahayag ni Obiena sa panayam ng BULGAR.





Comments