top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Munting mensahe bago pormal na magsimula ang mga bagong halal na senador

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 20, 2019
  • 2 min read

NOONG Martes, ika-16 ng Hulyo, inalala natin ang Mahal na Ina na si Maria, Ina ng Bundok Carmelo. Hiniling natin mula sa birhen ng Bundok Carmelo na gabayan at samahan ang mamamayan na nagba­bantay sa Senado bago pormal na magsimula ang trabaho ng mga bagong halal na senador. Simple lang ang ating mensahe, “Pilipinas, atin ito! West Philippine Sea, atin ito! Senado, atin ito!”

Kailangan pa bang ipaalala sa mga senador na ang kanilang pangunahing gawain at pananagutan ay gumawa ng mga panu­kalang-batas na maka­bubuti sa bansa at mamamayan?

Kailangan bang ipaalala na sila ay naging senador dahil sa boto ng taumbayan na mismong nagpapa­sahod sa kanila at uma­asang sila ay mapagli­lingkuran?

Napakaraming insti­tusyon na nakalimot at tila nawala ang makatarungang pagpapasya, ano ang nang­yari sa sistema ng kataru­ngan sa Korte Suprema; Court of Appeals at Metropolitan Trial Courts, Regional Trial Courts, Kongreso, House of Representatives at Senado?

Ang alaala at memorya ay napakahalaga sa tao, ito ang itinuturo ng ating ina na si Maria, Ina ng Bundok Carmelo, huwag natin kalilimutan ang kanyang anak, si Hesu­Kristo. Ganito ang sina­sabi ng pari sa bawat misa na kanyang ipinagdiri­wang, “gawin ninyo ito bilang pag-alala sa Akin (HesuKristo).”

Madalas nating marinig sa ating ina, “ganito ang sabi ng inyong lolo at lola, ganyan ang sabi ng mga matatanda.” Mara­ming mahahalagang prin­sipyo at values ang paulit-ulit na itinatanim ng matatanda sa isip, puso, diwa at kaluluwa ng kanilang mga anak at apo.

Hindi lang ang prinsipyo at kabutihan ang dapat nating alalahanin at balik-balikan. Kailangan din nating balikan ang mga pinanggalingan ng mga prinsipyo at kabutihang ito.

Kailangan nating alalahanin at balik-balikan ang apat na ina: Ang sariling ina; ang Inang Bayan; ang Inang Kalikasan at ang Mahal na Inang Maria, ang Ina ni HesuKristo.

Ipinarating natin sa mga senador ang kahalagahan ng pag-alala, pag-iisip at pagpapasya ng maayos na gawain at disiplina ng bawat ina.

Sa mga senador, hindi maganda ang inyong paglilingkod sa bansa at mamamayan kung kina­lilimutan ninyo ang mga ina. Kapag kinalimutan ninyo ang inyong mga ina na nagbigay ng buhay sa inyo, tuluyan din ninyong mapababayaan ang buhay ng bawat mamamayan.

Matinding paalala ang kailangan nating iparating sa mga senador, maaari nating masagip ang kasarinlan, kapayapaan, katarungan at katotohanan sa ating bansa.

Sa mga senador, huwag ninyong kalilimutan ang inyong mga ina, palagi ninyong alalahanin na kamatayan ang resulta ng paglimot sa ating mga ina.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page