Iba't ibang paraan para maiwasan ang pananakit ng likod
- BULGAR

- Jul 19, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Sumakit ang aking likod at madalas, umaabot ito sa bandang hita. Ako ay nagtatrabaho sa opisina at nakaaabala na ang nararanasan ko. Mayroon ba akong dapat gawin para maibsan ang backpain na ito? — Bryan
Sagot
Ang lower backpain o pananakit sa ibabang bahagi ng likod ay sintomas o senyales ng karamdaman sa buto, laman, ugat at kasukasuan na matatagpuan sa bahaging ito ng katawan. Madalas, hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitang nawawala ito nang kusa. Maraming puwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit (overuse) sa bahaging ito ng likod o maling posisyon ng katawan (disuse) ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasukasuan na nararamdaman natin bilang sakit.
Narito ang mga dapat gawin para maibsan ang pananakit ng likod:
Kung magbubuhat ng mabibigat na bagay, gawin ito sa wastong paraan. Ibaluktot ang tuhod at panatilihing tuwid ang likod habang binubuhat ang bagay. Panatilihing malapit ang bagay habang binubuhat.
Itulak at huwag hilain ang mga mabibigat na bagay.
Kung nakaupo nang matagal na oras, siguraduhing mag-unat-unat kada ilang minuto.
Sa mga babae, mas mainam ang flat shoes o mga sapatos na mababa lang ang heels (1 pulgada o mas mababa).
Sikapin na magkaroon ng regular na ehersisyo.
Tandaan ang tamang postura. Kung uupo, piliin ang mga upuan na tuwid ang likod o may low-back support. Panatilihing mas mataas ng kaunti ang tuhod kaysa sa balakang. Kung nakatayo, panatilihing ang balakang, mga tainga at balikat ay nasa isang tuwid na linya. Ang ulo ay hindi dapat nakayuko o nakatingala.
Makatutulong ang sumusunod:
Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod o kaya ay iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaaring gawin ito ng 1-2 araw para maipahinga ang ating likod. Pero importante pa rin na maglakad-lakad ng pakonti-konti at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit kasi ang hindi paggalaw ay nakapagdudulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaaring makapagpatagal sa pagkawala ng sakit. Uminom ng gamot tulad ng paracetamol o ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drug ang pananakit, magpakonsulta sa doktor upang maresetahan nang tamang gamot.




Comments