Galing hearing | PRESO PINAGBABARIL NG 2 RIDING-IN-TANDEM

ISANG 20-anyos na lalaking preso ang sugatan matapos tambangan sa Isabela City, Basilan.
Ginagamot sa Basilan General Hospital si Hail Kamsa Ahamadi, ng Bgy. Banas, Lantawan, sanhi ng ilang tama ng bala ng baril sa katawan.
Batay sa report kay Police Lt. Col. William Gadayan, isa si Ahamadi sa anim na mga preso ng Basilan Provincial Jail sa Bgy. Sumagdang na ineskortan ng limang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para dumalo sa pagdinig kaugnay sa kinahaharap nitong kaso sa Hall of Justice.
Habang pabalik na ng nasabing Penology, lulan ng marked vehicle ng BJMP sa bahagi ng Bgy. San Rafael nang sila’y sundan ng apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo at pinaputukan.
Ani Gadayan, hindi idinamay ang limang jailguards na escort at maging ang limang bilanggo at si Ahamadi lamang ang pinuntirya ng grupo.
Tumakas ang mga suspek patungo sa Sitio Mabarakat, Bgy. Aguada.
Batay naman sa imbestigasyon, sinabi ng biktima na kilala nito ang isa sa apat na suspek at lumilitaw na personal na alitan ang motibo sa tangkang paglikida sa kanya.





Comments