2 tulak tiklo sa baril at shabu
- Maeng Santos
- Jul 19, 2019
- 1 min read

DALAWANG listed drug pushers kabilang isang bebot ang arestado matapos magbenta ng shabu sa pulis sa buy-bust operation sa Navotas City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga naarestong suspek na sina Marvin Castro alyas Mac-mac, 29, at Joy Mabao alyas Mariafe, 23, kapwa ng Bgy. NBBS Kaunlaran.
Ani PCpl. Jaycito Ferrer, alas-11:45 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLt. Eric Roxas sa koordinasyon sa PDEA ang buy-bust operation kontra sa mga suspek malapit sa kanilang bahay.
Matapos iabot ng mga suspek ang sachet ng shabu kay PCpl. Sancho Lee na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P300 marked money, agad lumapit ang back-up na si PCpl. Remond Nagal saka sinunggaban ang dalalawa.
Narekober kay Castro ang buy-bust money, P700 cash, 10 sachets ng shabu, cal. .45 pistol na kargado ng magazine at pitong bala habang nakuha naman kay Mabao ang tatlong sachets ng shabu.





Comments