UUBRA KAYA ANG PAGKA-DAVID NG EAC SA HIGANTENG SBU?
- A. Servinio
- Jul 18, 2019
- 2 min read

SUSUBUKAN ng Emilio Aguinaldo College na itumba ang isa pang higante sa katauhan ng defending champion San Beda University sa unang laro ng “NCAA On Tour” ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ngayong araw sa EAC-Manila Sports Center. Gagamitin ng Generals ang pagkakataon na maglaro sa sariling tahanan na inaasahang mapupuno ng 4:00 p.m.
Mataas ang kumpiyansa ng EAC dahil galing sila sa makapigil-hiningang 84-82 na panalo sa Lyceum of the Philippines University kung saan ipinasok ni Jethro Mendoza ang bola na may 1.5 segundo sa orasan. Mamarkahan ng depensa ng San Beda sina Mendoza at Marwin Taywan na parehong nagpasabog ng tig-21 puntos.
Hindi magpapatinag ang bisitang Red Lions at gusto nilang panatilihin ang walang bahid na kartada kung saan tinalo nila ang Arellano University, 59-46, at Jose Rizal University, 74-52. Malalim ang koponan ng San Beda at iba-iba ang nagbida sa kanilang unang dalawa panalo tulad nina Donald Tankoua, James Canlas Kwekuteye, Calvin Oftana at Evan Nelle. “Gusto namin na manggulat muli kaya nagtatrabaho kami nang husto sa ensayo,” wika ni Coach Oliver Bunyi ng EAC. ”Sigurado ako na nagtatrabaho rin nang husto ang aming mga makakalaro kasi ayaw din nila na sila ang magugulat.”
Bago ang laro ng Seniors, maghaharap ang walang talong San Beda-Rizal Red Cubs (2-0) at EAC-ICA Brigadiers (0-2) sa 2:00 p.m. Pagkatapos ng mga laro sa EAC, magpapatuloy ang serye sa mga susunod na Huwebes sa Mapua University (Hulyo 25), Jose Rizal (Agosto 1) at University of Perpetual Help System-Dalta (Agosto 8).
Samantala, sumosyo ang College of Saint Benilde sa liderato ng Seniors matapos ang 75-63 na tagumpay sa Perpetual Help sa ikatlo at huling laro noong Martes para tumbasan ang 2-0 kartada ng San Sebastian College at San Beda. Bumawi naman ang Junior Altas kontra sa La Salle Green Hills, 81-59.
Mga laro ngayon – EAC-Manila Sports Center
2:00 SBU-Rizal vs. EAC-ICA: 4:00 SBU vs. EAC





Comments