top of page

Wastong paghawak ng pera, ituro nang maaga sa mga mag-aaral sa Senior High School

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18, 2019
  • 2 min read

LABIS na malaki at makabuluhan ang gi­nagampanang papel ng pera sa bawat in­dibidwal.

Sino ba ang hindi nangangailangan ng pera? Kailangan ito upang mabili ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit, gamot at maging ang mga gas­tusin sa pag-aaral ng mga anak kaya ka­ilangan nating magkaroon ng trabaho o mag­hanap ng sideline upang kumita at makabili ng ating mga pangangailangan.

Wala pa mang hanapbuhay ang karamihan sa kabataan, pinaniniwalaan nating maaga pa lamang ay nararapat na sila ay mabigyan ng edukasyon sa tamang pangangasiwa ng pera bilang paghahanda sa hinaharap, lalo na kapag sila na mismo ang humahawak ng sariling salapi.

Ito ay mas kilala sa tawag na financial literacy. Maaaring maumpisahang ituro ang budgeting at financial management, invest­ment at pagnenegosyo sa mga Grade 11 at 12 student.

Sa pamamagitan nito, matutulungan sila kung paano suriin at timbangin ang mga gas­tusin at matututo ring mag-budget ng kanilang allowance sa pang-araw-araw, pang-isang ling­go at lalo na pangmatagalan.

Kapag ang kaalaman at disiplina sa pananalapi ay naitatak sa isip at gawa ng mga mag-aaral, malayo ang kanilang mararating.

Malaking tulong ito sa mga working student dahil matututo silang magtipid at pagkasyahin ang kanilang mga gastusin.

Para sa iba, sa maliliit na halaga nang naiipon kada araw, maaari silang makatulong na bumili ng kanilang libro, school supplies o pamasahe nila sa pagpasok, araw-araw.

Higit sa lahat, pahahalagahan nila ang pag­gastos ng pera para sa kanilang kinabuka­san.

Sa halip na gumastos ng hindi importante o hindi kailangan, pipiliin na lamang nila itong itabi.

Habang bata pa, mainam na paraan ito upang mabigyan ng karampatang edukasyon at paghahanda para makaiwas sa iba’t ibang uri ng mga financial o investment scam at iba pang mga klase ng pandaraya o panlolo­ko na hindi kaila na nangyayari sa ating bansa at maging ang pagkakabaon sa utang dahil gumagastos sa mga bagay na higit pa sa kanilang kinikita.

Nakalulungkot isiping maraming nabi­biktima lalo pa ang mga taong nagpapakahirap magtrabaho para lang maibigay ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya ngunit, ang kapalit ay ang mawala lahat ang kanilang pinagpaguran.

Ang financial literacy ay hindi lamang kaalaman. Ito ay tulong tungo sa maagang karunungan at responsableng paghahawak ng pagpasok at labas ng pera.

Kaya para sa ating mga kababayan, par­tikular na sa kabataan, palaging tandaan na marami ang manloloko, magagaling mag­salita at mang-engganyo.

Maging maingat tayo sa pag-i-invest ng ating pera at ipon.

Ang pinakamahalaga, isulong natin ang edukasyon sa wastong pananalapi sa loob ng klasrum.

Kung sila ay busog sa kaalaman, babala at impormasyon kaugnay sa pananalapi, mai­iwasang mapunta sa alanganing sitwasyon ang sarili, pamilya at maging ang susunod na henerasyon.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page