TINUKLAW NG AHAS
- BULGAR

- Jul 17, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Stephanie ng Stephanie_Chacez@facebook.com
Dear Professor, Nanaginip ako tungkol sa ahas, tinuklaw daw ako at ang ginawa ko ay tinapakan ko raw hanggang sa mamatay. Ano ang ibig sabihin nito? Salamat! Naghihintay, Stephanie
Sa iyo Stephanie, Isang sumpa ang binigkas ni God noon. Ito ay naganap sa halamanan ng Eden. Sinabi ni God kina Adam at Eve, “bilang parusa, sa pawis manggagaling ang iyong kakainin, Adam, ikaw naman Eve sa iyong panganganak, ikaw ay daraan sa sobrang paghihirap at simula ngayon, ang ahas ay gagapang at kakain ng alikabok”.
Ang lahat ng sinabi ni God ay nagkatotoo. Si Adam o ang mga lalaki, sila ang naghahanapbuhay at pinagpapawisan nila ang perang pambili ng kanilang kakainin. Ito rin ay nangangahulugang ang mga tamad o ayaw maghanapbuhay ay magugutom.
Si Eve o ang mga babae ay sobrang nahihirapan kapag manganganak kaya ang sabi, sila ay nagle-labor bago lumabas ang sanggol.
Eh, ang ahas kaya, talaga bang kumakain sila ng alikabok? Parang hindi. Pero, si God ay Diyos ng katotohanan, hindi siya Diyos ng kasinungalingan kaya dapat ang ahas o mga ahas ay gumagapang at kumakain ng alikabok. Paano ito mangyayari? Masasalamin sa buhay ng mga “taong-ahas”, sila na mga masasama, manunukso at naghahanap ng masisira ang buhay ay makikita nating napag-iiwanan, kasi nga wala silang hinangad kundi ang kasiraan ng kanilang kapwa.
Kung sila ay ikukumpara sa mga taong panay ang pagsisikap, gustong umunlad at may mga pangarap, silang mga “taong-ahas” ay makikitang kumakain ng alikabok, as in, napag-iiwanan.
Ito mismo ay makikita sa mga fun run o karera sa takbuhan na ang nasa hulihan o ang naiwan ay “kumain ng alikabok.”
Sa simpleng pananaw, si God ay talagang mahiwaga dahil kahit sa paggamit ng mga salita ay parang dakilang writer na ang mga sinasabi ay makatotohanan at makahulugan.
Pagkatapos mapalayas ang tatlo sa Eden, binanggit ni God ang unang sumpa sa mundo. Sinabi Niya, “ang ulo ng ahas ay dudurugin ng anak ng tao.” Ito mismo ang napanaginipan mo, tinapakan mo hanggang sa mamatay ang ahas. Ibig sabihin, sa buhay mo ngayon, hindi magwawagi ang mga manunukso at may masamang hangarin.
Kaya, binabati kita dahil ang pangarap mo ay magkakaroon ng katuparan.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments